Bukod sa pinabagal na takbo ng mga tren ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3, ang palpak na maintenance ng mga bagon ang nakapagpapalala ng serbisyo ng mass transit system na nagiging ugat ng mahabang pila sa mga estasyon nito tuwing rush hour.
Sa halip na makabiyahe ang 18 hanggang 20 tren tuwing peak hour, ibinaba ng maintenance provider ng MRT 3, na Global-Autre Porte Technologies, Inc. (Global APT) ang bilang ng bumibiyaheng tren sa 16 kada araw.
“The most I saw last January was 16 train sets and that was only for one day,” ayon kay MRT 3 General Manager Roman Buenafe, na nagsimulang manungkulan noong Enero 5.
Ito aniya ang malaking dahilan kung bakit bumaba ang kapasidad ng MRT 3 na dati’y nasa 540,000 kada araw na ngayo’y nasa 350,000 na lamang.
At dahil nabawasan ang bumibiyaheng tren, humaba naman ang pila sa mga istasyon ng MRT 3 lalo na tuwing rush hour.
Based on my personal calculations, they (Global APT) could either get zero or negative [due to decreasing number of deployed trains],” pahayag ni Buenafe.
Nag-expire ang isang taong maintenance contract ng Global APT noong Setyembre 5, 2014 subalit ito ay inire-renew kada buwan habang hinihintay ang bagong maintenance contract para sa MRT 3.
Ang Global APT ay binabayaran ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ng P57 milyon kada buwan para sa buwanang maintenance service.
Pinagmulta na rin ng gobyerno ang Global APT ng P27 milyon sa unang bahagi ng contract period nito at muling pinagbayad ng karagdagang P18 milyon matapos pumalpak ang communication system ng MRT 3 noong Agosto 23 na nabunsod sa pagkakasuspinde ng operation ng mass transit system ng halos kalahating araw.