Naglatag ang Department of Transportation and Communication (DoTC) ng apat na kondisyon sa panukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na payagan ang 50 express passenger bus na makabiyahe sa Metro Manila upang maibsan ang lumalalang trapiko.
Naniniwala si MMDA Chairman Francis Tolentino na makatutulong ang mga express bus hindi lamang upang maibsan ang matinding trapiko kundi upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) 3.
Subalit naglatag ng apat na kondisyon si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya sa pagpapatupad sa programa sa express bus.
Hindi dapat, aniya, madagdagan ang bilang ng mga bus at ipalit lang sa mga ordinaryong bus ang mga express bus.
Nais din ni Abaya na hindi payagan ang mga express bus na dumaan sa mga tunnel sa EDSA at panatiliing 60 porsiyentong napunan ang kapasidad nito bago payagang bumiyahe.
Iginiit pa ng kalihim na hindi dapat gawing exempted ang express bus sa mga umiiral na batas trapiko.
Bilang mga express bus, hindi rin dapat payagang magbaba at magsakay ng pasahero ang mga ito bukod sa terminal at destinasyon. Dapat din aniyang obligahin ang mga express bus na gamitin ang mga itinalagang bus stop ng MMDA.
Aniya, dapat ding lagyan ng uniformed designated color ang mga express bus upang madaling matukoy ang mga ito.
Balak ng MMDA na magsagawa ng trial run ang mga express bus mula Fairview sa Quezon City, na rito sasakay ang mga pasahero at diretsong bibiyahe sa destinasyon ng mga ito sa Ayala Business District sa Makati City.
Kasalukuyang pinaplantsa na rin ng DoTC, MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang maayos na pamamalakad sa mga express bus.