Nananatiling nasa heightened alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para bantayan ang posibleng pagpasok sa Metro Manila ng mga tinaguriang “estudyante” o galamay ng Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan.”
Bagamat hindi nakatatanggap ng intelligence information ang NCRPO, hindi inaalis ng awtoridad ang posibilidad na maging target ng terorismo ang Kamaynilaan matapos na iniulat ang pagkasawi ni Marwan sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon kay NCRPO Director Carmelo Valmoria habang bumibisita sa bansa si Pope Francis noong Enero 15 hanggang 19, ay nakataas sa full alert status ang pulisya subalit iniligay nito sa heightened alert status nang umalis ang Papa.
Patuloy na nakakalat ang kalahati sa kabuuang bilang ng pulis sa NCRPO sa mga itinalagang puwesto na karamihan ay inilagay sa pagsasawata ng krimen.
Masusing sinisiyasat ngayon ng awtoridad ang mga ulat na ilang sinanay at kasama ni Marwan ang sinasabing nakapasok sa Metro Manila.
Batay sa report, namatay si Marwan sa isang operasyon na isinagawa ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 SAF commando noong Enero 25.