Hinarang ng Sandiganbayan ang pagharap sa korte ng testigo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakatakdang tumestigo upang idetalye ang nilalaman ng mga bank account ni Senator Jinggoy Estrada na umano’y nakomisyon nito sa pork barrel scam.
Ito na ang pangatlong pagkakataon na pinigil ng Sandiganbayan Fifth Division sa pagsalang sa witness stand ang testigo ng AMLC, ang bank investigator na si Orlando Negradas, upang hindi nito mailahad sa hukuman ang mga bank transaction ni Estrada.
Ayon sa hukuman, nagawa nilang ipatigil ang nasabing hakbang ng AMLC bunsod na rin ng apela ng abogado ng senador laban sa naunang utos ng korte.
Ipinaliwanag ng anti-graft court na hanggang hindi pa nareresolba ang motion for reconsideration na ihaharap ng depensa ay hindi muna makatetestigo si Negradas.
Ipinaliwanag pa ng hukuman na kinakailangan nilang sundin ang alituntuning 15-day period para sa panig ng depensa upang makapaghain ng naturang mosyon.
Kaugnay nito, iniutos naman ni Associate Justice Alex Gesmundo sa prosekusyon at sa defense panel na mag-usap kaugnay ng nasabing mosyon.