Dahil hindi pa siya naidedeklarang guilty sa kasong plunder, humirit si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan na bawiin ang garnishment order na ipinalabas nito laban sa kanyang P224 milyong halaga ng ari-arian.
“The writ of preliminary attachment is premature,” pahayag ng mga abogado ni Revilla sa kanyang motion for reconsideration upang baligtarin ang unang resolusyon na inilabas ng Sandiganbayan First Division noong Pebrero 5.
“There should first be a declaration from this Honorable Court that an accused’s income, assets and property are ill-gotten,” dagdag ng mga abogado ng depensa.
Iginiit ng mga abogado ni Revilla na ang pagpapalabas ng write of attachment/garnishment ay isang paglabag sa due process.
Anila, batid ng korte na hindi pa maaaring magdeklara ng ano mang ill-gotten wealth dahil kakasimula pa lamang ng proseso ng pagdinig sa kaso ni Revilla.
“Such a finding would be grossly premature, especially since trial on the merits has not even started,” ayon sa mga abogado ni Revilla, na kabilang sa inakusahan sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.
Samantala, igiit din ng kampo ni Revilla na base sa kanyang constitutional right bilang isang akusado, dapat munang konsiderahin ng korte na ang mga kinukuwestiyong ari-arian ay nakuha niya sa legal na pamamaraan maliban kung mapapatunayan ang alegasyon na ang mga ito ay nakaw na yaman sa pagtatapos ng paglilitis.