Bago pa man dumalaw si Pope Francis sa Pilipinas noong Enero15 ay tanyag na siya sa buong daigdig. Hinirang ng Time magazine si Pope Francis bilang Person of the Year noong 2013. Ayon sa Time, mabilis na naakit ng Papa ang atensiyon ng milyun-milyon katao na nawalan na ng kumpiyansa sa Simbahang Katoliko. Bilang unang Papa na gumamit ng pangalang ‘Francis’ kasunod si St. Francis of Assisi na tumalikod sa marangayang pamumuhay at namuhay nang maralita, sumasalamin ito sa determinasyon ni Pope Francis na mamuhay nang payak sa kabila ng mataas na katungkulan.

Kaya nga hindi kataka-taka ang napakainit ang pagtanggap sa kanya ng mga Pilipino nang dumalaw ito sa ating bansa. Dinalaw niya ang Tacloban at nagmisa sa harap ng libu-libo katao, kabilang ang maraming biktima ng bagyong Yolanda, sa kabila ng malakas na ulan at hangin na dala ng paparating na bagyong Amang. Sa kanyang huling misa sa Luneta noong Enero 18, tinatayang anim na milyon katao ang dumalo, sa kabila ng ulan. Maipagmamalaki kong isa ako sa mga dumalo. Pinayuhan ako ng mga doktor na umiwas sa ulan para sa aking kalusugan, ngunit hindi ko maaaring sayangin ang kaisa-isang pagkakataon na makalapit ako kay Pope Francis. Bukod sa misa sa Luneta, una akong nakalapit sa Papa sa kanyang pakikipagpulong sa mga pamilya sa Mall of Asia Arena. Sa mga sandaling iyon ay may nadama ako na hindi ko maipaliwanag. Sa aking pananaw, ang pagbabagong dulot ng pagdalaw ni Pope Francis ay nasa puso ng bawat nakakita sa kanya, at hindi ito maaaring sukatin.

Sa kanyang mga homiliya sa Manila Cathedral, sa pakikipagpulong sa mga pamilya, sa misa sa Tacloban, sa pakikipagkita sa mga kabataan sa Unibersidad ng Santo Tomas at sa misa sa Luneta – narinig ng madla ang kanyang mga mensahe: tulungan ang mga dukha, pangalagaan ang mga bata at labanan ang katiwalian. Ang mga mensahe ng Papa ang nagpatibay ng aking determinasyon na ipagpatuloy ang aking mga adbokasiya, lalo na ang pagtulong sa mga mahihirap sa panahon ng kalamidad, ang pagbibigay sa kanila ng kabuhayan at pagtuturo sa mga tao na maging mga entrepreneur. Ngunit isa lamang ako sa anim na milyon na nakarinig sa mga mensahe ni Pope Francis. Magiging lalong makabuluhan ang kanyang mga mensahe kung ang lahat ng nakarinig ay isasagawa ang mga ito para makatulong sa pagsupil sa kahirapan, sa paghahanda sa kabataan sa magandang kinabukasan at paglipol sa katiwalian.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez