Ipagpapatuloy ngayong Pebrero ang paglilitis sa kaso laban sa walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na itinuturong nakapatay sa isang mangingisda mula sa Taiwan sa Balintang Channel sa Hilagang Luzon noong Mayo 2013.

Ayon kay Rodrigo Moreno, abogado ng walong tauhan ng PCG, itinakda ni Judge Ramon Barona, ng Batanes Regional Trial Court Branch 13, ang pagpapatuloy ng pagdinig sa Pebrero 23 sa kasong homicide hinggil sa pagkamatay ng mangingisdang Taiwanese na si Hung Shih Cheng.

“The Court has set the resumption of the hearing on February 23 and another one on February 24 with the prosecution continuing their presentation of their witness,” pahayag ni Moreno.

Kabilang sa kinasuhan ng homicide si Commander Arnold Enrique dela Cruz; at sina Seamen First Class Edrando Quiapo Aguila, Mhelvin Aguilar Bendo II, Andy Gibb Ronario Golfo, Sunny Galang Masangkay at Henry Baco Solomon; Seaman Second Class Nickey Reynold Aurelio; at Petty Officer 2 Richard Fernandez Corpuz.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Si Dela Cruz ang tumatayong commanding officer ng Maritime Control and Surveillance (MCS-3001), isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na naka-intercept sa Taiwanese fishing vessel na Guang Da Xing na umano’y ilegal na nangingisda sa teritoryo ng Pilipinas.

Posible rin na isalang muli sa witness stand si Hung Yu Chih, anak ng napatay na mangingisda, upang sumailalim sa cross examination, ayon sa abogado ng depensa.

Naghain ng not guilty plea ang walo, na kasalukuyang nasa kustodiya ng PCG matapos magpiyansa, sa isinagawang arraignment noong nakaraang taon.

“The hearing on February 23 and 24 will be a continuation of the prosecution’s presentation of their witnesses and start of cross-examination if ever,” ayon kay Moreno.

Sa kanyang testimonya noong Nobyembre, ikinuwento ni Hung ang habulan sa karagatan ng PCG at ng Taiwanese fishing vessel na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang ama.