Nagawa ng mga magnanakaw na matangay ang P250,000 cash ng isang negosyante na nasundan sa kanyang pagwi-withdraw sa bangko sa loob ng isang shopping mall sa Sta. Cruz, Manila, kaya naman muling nagpaalala ang awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga grupong nakaabang para mambiktima ng mga nagwi-withdraw.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Maricar Angeles, negosyante, nasa hustong gulang, ng 184 Champaca Street, Navotas City.
Papalabas na si Angeles sa exit door ng Banco De Oro sa loob ng SM San Lazaro nitong Lunes, dakong 4:00 ng hapon, nang isang babae ang bumunggo sa kanya. Hindi niya alam na habang nangyayari ito, isa pang babae ang mabilis na nagbukas sa kanyang bag at tinangay ang pouch doon na kinalalagyan ng P250,000 cash, gayundin ang kanyang passbook.
Huli na nang napansin ni Angeles na bukas ang kanyang bag at natangay na ang pouch doon.
“Trabaho ng mga taong ito ang mag-abang lang sa mga nagwi-withdraw ng pera na susundan nila para nakawan,” babala ng Manila Police District (MPD)-Robbery Section. “Hanggang maaari ay maging mapagmatyag kayo at huwag aalis nang mag-isa kung maraming dalang cash.”