BAGUIO CITY – Ipinagmamalaki ng news anchor-TV host na si Korina Sanchez ang asawa niyang si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas dahil hindi ito nasasangkot sa anumang anomalya at korupsiyon, partikular sa kontrobersiyang may kinalaman sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

“Malaki ang paghanga ko sa kanyang katatagan sa anumang intriga, maging sa aming dalawa. Katunayan nga, bihira na kaming magkasama, dahil sa kanyang dedikasyon sa trabaho, na walang bahid pulitika,” sinabi ni Sanchez nang magsagawa ng gift-giving ang kanyang programang “Rated K” sa Baguio City.

Personal na namahagi si Sanchez ng bigas at mga regalo, kabilang ang mga souvenir bracelet, sa may 1,000 mahihirap na pamilya sa Barangay Bayan Park nitong Lunes bilang pasasalamat sa mga manonood ng kanyang programa sa ABS-CBN na nagdiriwang ng ikasampung anibersaryo.

Sinabi ni Sanchez na maliit na bagay lang ang kanyang naitutulong pero dama niya ang suporta ng mga residente sa kanyang programa.

Metro

Klase, government offices sa NCR, Region III at IV-A suspendido sa Hulyo 25

“Walang kinalaman si Secretary Roxas sa ginagawa kong ito at ito ay mula sa aking trabaho. Tumulong siya, pero wala itong kinalaman sa pulitika,” sabi ni Sanchez.

Sa usapin kung kakandidato si Roxas sa 2016, sinabi ni Sanchez na hindi pa nila ito napag-uusapan, pero kung sakali, aniya, na may plano ang kalihim ay siya at ang Liberal Party ang makapagsasabi kung magpapatuloy si Roxas sa 2016.

Sa ngayon, ayon kay Sanchez, ay abala si Roxas sa trabaho bilang kalihim ng DILG.

Nasa Baguio si Korina at ang production staff ng “Rated K” para sa isang episode ng programa. Inimbitahan din ang news anchor ng Benguet State University sa La Trinidad para maging guest speaker sa isang aktibidad ng unibersidad.