CAGAYAN DE ORO CITY – Isang pasaway na pulis na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang nagpasabog ng dalawang granada sa loob ng isang himpilan ng pulisya sa Bukidnon, na ikinamatay ng kanyang hepe at ng deputy nito pasado 7:00 ng gabi nitong Lunes.
Agad na nasawi si Senior Insp. Crisanto Molina, hepe ng Kabanglasan Police, na nagtamo ng matitinding sugat sa kanyang likod dahil sa pagsabog.
Ang deputy commander ni Molina, si Insp. Dexter Garcia, ay hindi na umabot nang buhay sa ospital dahil sa mga sugat na tinamo mula sa shrapnel at mga bala.
Nasugatan din sa pag-atake ang civilian aide na si Mariel Taduay.
Kinilala ni Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., OIC, Police Regional Office (PRO)-10, ang suspek na si PO1 Gorospe Kayro.
Sinabi ni Cruz na nagpositibo si Kayro sa isang random drug test noong nakaraang buwan at dinisarmahan ilang araw bago ang insidente.
Nabatid na naghahapunan sina Molina at Garcia sa kusina ng himpilan nang hagisan ni Kayro ang mga ito ng dalawang granada.
Bagamat sugatan, nagawa pang makatakbo ni Garcia palabas, ngunit sinundan siya ng suspek at pinagbabaril.
Nagsisugod naman ang mga pulis sa himpilan sa pag-aakalang sinalakay ito ng mga rebeldeng komunista, pero agad na nakatakas si Kayro sakay sa motorsiklo.
Kalaunan, natagpuan ang motorsiklo na inabandona sa Purok 8 sa Barangay Poblacion, Kabanglasan.
Hindi malinaw kung saan nakuha ni Kayro ang mga granada at baril na ginamit niya sa pag-atake dahil awtomatiko siyang dinisarmahan matapos magpositibo sa drug test.
Naglunsad na ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek, na naging pulis noong 2010.