Ang Kongreso ay buhay kapag ang nakasalang na panukalang batas para sa kanilang konsiderasyon ay may karga. Halimbawa, ang Reproductive Health Bill na ngayon ay batas na at ang nagpapataw ng karagdagang buwis sa sigarilyo at alak. Hinihimay ng mga mambabatas ang mga ganitong uri ng bill at maingay sila sa kani-kanilang posisyon, pabor o laban dito, dahil ang naapektuhan ng mga ito ay may nakahandang lobby money. Kung dati ay halos wala tayong marinig mula sa Kongreso tungkol sa Bangsamoro Basic Law (BBL), ngayon maingay na ang mga mambabatas sa kani-kanilang posisyon ukol dito. Kasi napagtuunan na nila ito ng pansin hindi dahil sa lobby money kundi dahil sa 44 commando na namatay sa Mamasapano.
Hinihimay na nila ang BBL kung matutupad nito ang kanilang layuning magkaroon ng mahabang pangkapayapaan sa ating bansa. Sa administrasyong Aquino kasi, ang pagtatatag ng bagong rehiyon ng Muslim ay kasagutan sa matagal nang kaguluhan sa Mindanao. Sa pamamagitan nito ay mapagkakaisa ang mamamayang Pilipino lalo na sa bahaging ito ng bansa. Sinusuri na ng mga mambabatas ang BBL sa konteksto ng pangyayaring naganap sa Mamasapano.
May nananawagan na ibasura na ang BBL. Kapag sila ang nanaig, giba na ang itinatayo nating pundasyon para sa pangmatagalang kapayapaan at pagkakaisa ng mga Pilipino. Hindi dapat magsilbing hadlang ang Mamasapano incident. Dapat nating tandaan, anuman ang pagnanais nating tayo ay magkaisa ay sasalubungin ng lahat ng hadlang. Hindi lang ang pagkasawi ng 44 na buhay ang magaganap para pigilin ang layunin nating magkaisa at maging mapayapa at maayos ang ating pamayanan.
Mayroon pang higit na grabe diyan na darating sa ating buhay bilang isang bansa at mamamayan. Magpapatuloy ang ganito nang walang kahihinatnan kapag nadala tayo ng nangyari sa Mamasapano at hindi natin tinutumbok ang tunay nating kaaway na hindi kapwa nating Pilipino.