Pinakakasuhan ng graft sa Sandiganbayan ang dating alkalde ng Lopez Jaena, Misamis Occidental na si Zenaida Azcuna at limang iba pang opisyal nito dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng abono na aabot sa P1 milyon noong 2005.
Bukod kay Azcuna, iniutos din ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang pagsasampa ng kahalintulad na kaso laban kina Bids and Awards Committee (BAC) members Marietes Bonalos, Aurora Alon, Marcial Lamoste, Homer Lariba at Alicia Penales.
Kasama rin sa pinapasampahan ng kaso ang private respondent na si Alberto Aquino, supplier ng Malayan Pacific Trading Corporation (MPTC).
Natuklasan na noong Enero 2005, naglabas ang lokal na pamahalaan ng Lopez Jaena ng P1 milyon mula sa Department of Agriculture (DA)-Region 10 para sa pagbili ng inorganic liquid organizer.
“The Commission on Audit discovered that the local officials committed numerous violations of the Government Procurement Reform Act, including reference to specific brand names, lack of public bidding and resort to direct contracting without complying with the requirements of the procurement law,” anang Ombudsman.
Lumabas din sa imbestigasyon na overpriced ang nasabing pataba ng P1,375 kada litro, at wala rin umano itong warranty mula sa supplier nito.
Sinabi rin ng Office of the Ombudsman na inindorso rin ng BAC sa asawa ni Azcuna na si vice-mayor Melquiades Azcuna ang nasabing proyekto.