Iniutos ng Philippine Olympic Committee (POC) ang agarang pagsasagawa ng eleksiyon ng Philippine Bowling Congress (PBC) bago nila tuluyang akuin ang pagpapatupad sa mga programa at direksiyon ng isport.
Ito ang sinabi ni POC president Jose “Peping” Cojuangco na nag-utos na isagawa ang eleksiyon upang maputol ang kahihiyang nalalasap ng bansa sa sinabakang mga internasyonal na torneo.
Dapat sana’y ginanap ang eleksiyon ng PBC noong Enero matapos ang pagkawala ng pangulo na si Toti Lopa habang nagpahayag naman ng kawalan sa kahandaan ng bise-presidente na si Leandro Mendoza upang pamunuan ang asosasyon.
Itinakda ang eleksiyon sa Marso 8 subalit muli itong iniusog sa sa Marso 28.
Napuwersa ang POC na magpatawag ng eleksiyon dahil na rin sa sunud-sunod na nakahihiyang kampanya ng bansa.
Isa sa dating pinagkukunan ng medalya ng bansa ang bowling subalit sa huling kampanya ng mga ito ay umuwing bokya sa medalya, partikular sa pagsabak sa ginanap na Incheon Asian Games noong nakaraang taon at sa katatapos na Asian Tenpin Bowling Championships sa Bangkok, Thailand noong Enero 15-26.
“Nakakahiya ang ating mga bowler,” sinabi ni Cojuangco. “Nangangamote sa mga kompetisyon. Kailangang baguhin natin ang bowling lalo na sa preparations.”
Nakatakda ring kausapin ni Cojuangco ang mga opisyal ng PBC upang rebisahin ang kanilang programa at ayusin ang direksiyon ng isport na dating madalas nagbigay ng karangalan sa bansa.
Kinikilala ang Pilipinas sa bowling sa pagkakaroon ng isa sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo na si Paeng Nepomuceno. Siya ang natatanging six-time world bowling champion at bukod tanging manlalaro na nakapagwagi ng apat na World Cup title maliban pa sa pagkakatala sa Guiness Book of World Records.
Ipinaalam ni Cojuangco na walang kahinaan ang national bowlers bagamat naobserbahan nito na walang kusa at hindi nakagagawa ng paraan kapag hindi gamay ang oiling sa sinalihang torneo.