Naniniwala si dating Senador Panfilo Lacson na nagkaroon ng paglabag sa chain of command si Pangulong Aquino nang makipag-usap ito sa pinuno ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) at suspendidong hepe ng Philippine National Police (PNP) sa halip na sa officer-in-charge ng pambansang pulisya hinggil sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Lacson, na nagsilbing hepe ng PNP bago sumabak sa pulitika, ang chain of command ay hindi lamang galing sa ibaba pataas kundi mula sa itaas patungong ibaba rin.

Sa usapin ng Mamasapano operation, sinabi ni Lacson na dapat ang kausap ni Aquino ay si Deputy Director General Leonardo Espina, officer-in-charge ng PNP, at maaari ring si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa halip na ang suspendidong PNP chief na si Director General Alan LM Purisima.

“The President as commander-in-chief of all armed and police forces in the country should have told PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina about the plan to capture or kill Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, also known as ‘Marwan,’” ani Lacson.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna nang inamin ni Director Getulio Napeñas, sinibak na hepe ng PNP-SAF, na sinabihan siya ni Purisima na huwag munang ipaalam kay Roxas at Espina ang operasyon Mamasapano.

“Kung ikaw ay commander-in-chief o kaya ay chief PNP, dapat obserbahan mo rin at respetuhin yung chain of command. Noong nagkaroon ng meeting sa Malacañang noong January 9 at ang nandoon lang ay ‘yung suspendidong PNP chief at wala si General Espina, may disrespect na ‘yan ng command ng PNP. Kailangang nandoon si General Espina,” ayon pa sa dating senador.

Sinabi pa ni Lacson na wala namang masama ang pagkonsulta kay Purisima, ang masama lamang daw ay ang pag-itsapuwera sa OIC ng PNP na posibleng pinag-ugatan ng problema sa koordinasyon sa inilusad na operasyon laban sa wanted na terrorist na si Marwan at kasamahan nitong si Basit Usman.