Pamumunuan ng Union Cycliste Internationale (UCI) Commissaires na sina Martin Bruin ng Netherlands, Michael Robb ng Northern Ireland, Jamalludin Mahmood at Beatrice Lajawa ng Malaysia, Edward Park ng South Korea at Atty. Ding Cruz ng Pilipinas ang panel ng technical officials na mamamahala sa 5th Ronda Pilipinas.

Ikinatuwa ni Ronda Race Director Ric Rodriguez ang walang sawang pagseserbisyo ng respetadong UCI technical officials sa pamamahala sa Ronda na nagbibigay pagkakataon sa mga lokal na karera at riders.

Binigyan ng importansiya ng organizing LBC ang maaayos na implementasyon ng karera kung saan ay kapwa nararamdaman ng riders at officials ang magiging magandang ekperiyensiya sa karera o “real racing” kung saan ay nasusundan nila ang UCI rulings na mula sa Commissaires.

Ito ang nagbibigay benepisyo sa mga siklista na sumasabak naman sa internasyonal na karera upang makakuha ng mga bagong kaalaman sa pagsali sa mga torneo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Bruin, nakasama na sa unang edisyon ng Ronda noong 2011, ay namahala na sa Grand Tour, Tour de France, Giro D’ Italia, La Vuelta A Espana, World Championships at Great Classics.

Si Robb, na nagsimulang tumulong sa Ronda noong 2012, ay miyembro ng 5-man UCI Commissaire Commission at nag-officiate sa malalaking karera na tulad ng Olympics, World Championships, World Cups, Grand Prix kung saan ay siya ang resident Race Director ng popular na Le Tour de Langkawi.

Si Mahmood ay dating UCI Asia Tour Advisor at Le Tour de Langkawi Technical Director at sa ngayon ay IGP Indonesia Tour Consultant.

Si Lajawa ay isa sa inaasahan sa rehiyon bilang babaeng Commissaire matapos mamahala sa Road, Track, BMX at Mountainbike.

Si Park ay isang Korean Commissaire na siyang namuno sa UCI World Satellite Training Center sa South Korea habang si Cruz na makakasama sa Ronda sa unang pagkakataon ang ipinagmamalaki ng Pilipinas bilang natatanging Pilipino na napasama sa International Commissaire. Namahala na ito sa Track races at ParaCycling.

Magsisimula ang 2015 Ronda Pilipinas ngayon sa tatlong-yugtong qualifying race sa Visayas (Dumaguete/Bacolod) (Pebrero 10-13), kasunod ang Luzon eliminations sa Pebrero 16-17 bago ang championship round na sisikad sa Pebrero 22-27.

Iuulat ng DZSR Sports Radio 918, gamit ang audio streaming, ang ilang kaganapan sa qualifying races at kabuuang ‘pedal by pedal’ na pagsasahimpawid sa championship round.