Bugbog-sarado ang isang sundalo ng Philippine Army kasama ang tatlong iba pa matapos kuyugin ng mahigit sa 15 customer sa isang restobar sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Pfc. Brian Edward Casin, 26; Janford Aliño,18; Jasper Tabuñar, 20; at Ariane Feliciano, 28, isang call center agent. Ang mga biktima ay mga residente ng Pangarap Village, Barangay 182, Caloocan City.

Ayon sa pulisya, nag-iinom ang mga biktima sa Sphynx Restobar sa Novastop sa Barangay Pasong Putik, Quezon City dakong 2:00 ng madaling araw nang lapitan ng isa sa mga suspek si Aliño dahil sa hindi pa mabatid na kadahilanan.

Nang makita ni Casin na sinisigawan ng isa sa mga suspek si Aliño, agad itong rumesbak sa kanyang kaibigan na naging mitsa ng rambol sa lugar.

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

Ayon sa mga saksi, mistulang isang eksena sa pelikula nang magliparan ang mga bote ng beer at plato sa restobar nang makisali sa rambol ang magkakasama sa dalawang grupo.

Matapos ang ilang minuto, naiwang nakalupaypay ang apat na biktima sa sahig na nagtamo ng sugat sa ulo matapos paluin at hagisan ng basyo ng bote ng beer.

Agad na naglunsad ng manhunt operation ang mga rumespondeng pulis sa lugar laban sa 15 suspek.