INDIANAPOLIS (AP)- Ang matinding paghahabol ng San Antonio Spurs sa fourth-quarter ang nagbigay ng malaking tulong kay Gregg Popovich upang marating ang 1,000-win milestone kahapon.
Ang baseline jumper ni Marco Belinelli sa nalalabing 2.1 segundo ang nagbigay sa San Antonio ng 95-93 victory kontra sa Indiana.
Si Popovich ay naging ikasiyam na coach na humantong sa 1,000th regular-season wins at naging ikatlo sa may pinakamabilis na mapasakamay ang inaasam na karangalan. Napasama ito kay dating Utah coach Jerry Sloan na natatanging coaches sa kasaysayan ng liga na mapagwagian ang 1,000 games sa iisang koponan lamang.
Pinamunuan ni Tony Parker ang Spurs na taglay ang 19 puntos. Nagtala naman si Tim Duncan ng 15.
Umiskor si Rodney Stuckey ng 18 puntos para sa Indiana, natapyas ang season-best winning streak sa tatlong sunod na panalo.
Lumabas na nakuha ng Pacers ang kontrol nang maitatag nila ang 79-65 lead matapos ang tatlong quarters.
Subalit nagsalansan ang Spurs ng siyam na sunod na puntos upang itabla ang iskor sa 91, at muling nagtabla sa 93, at muling kinuha ang kalamangan mula sa buslo ni Belinelli nang tumalbog sa rim ang 3-pointer ni George Hill.
Naimintis ng San Antonio na maipagkaloob kay Popovich ang dapat sana’y maagang grand party noong Lunes subalit nabigo sila sa Toronto.
Ngunit sa pagkakataong ito ay ‘di na hinayaan ng defending NBA champs na mangyari pa ito, kahit na sadsad sila sa 91-82 sa natitirang 5:36 sa orasan.
At siyempre, ang matinding paghahabol ng Spurs ay nangyari sa pamamagitan ng mga plano ni Popovich kung saan ay pinagsama-sama niya ang kanyang mga manlalaro.
Sinimulan ni Danny Green ang rally sa pamamagitan ng layup. Kinumpleto ni Kawhi Leonard ang 3-point play. Ikinasa ni Duncan ang isa pang layup at nang sumablay si Parker sa dalawang free throws, may 3:18 pa sa korte, ang iskor ay humantong sa 91-all.
Sumagot ang Indiana mula sa 20-footer ni Stuckey upang kunin uli ang lead, subalit muling naitabla ito ni Aron Baynes matapos ang kanyang tip-in sa natitirang 56.7 segundo upang maitakda ang huling sequence, ang maibuslo ni Belinelli ang napakahalagang iskor matapos na magmintis si Hill.
TIP-INS
Spurs: Dinominahan ng San Antonio ang nangyaring lopsided series, napagwagian ang 14 sa huling 15. Ngunit ang season sweep sa taon na ito ay nangyari sa isang kakaibang pagtugon: Nagtagumpay ang Spurs sa bawat laro na may magkaibang coach. Humalili si assistant coach Ettore Messina kay Popovich at pinamunuan ang Spurs sa 106-100 win noong Nobyembre 26.
Pacers: Gaano ba talaga kahalaga ang season para sa Indiana? Hindi pa nagwawagi ang Pacers ng apat na sunod sa nakalipas na 11 buwan. Nagtagumpay ang San Antonio ng anim na sunod sa sariling pamamahay ng Pacers. Ang huling panalo ng Indiana sa home court kontra kay Popovich ay nangyari noong Abril 2007.