Nanawagan si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga mamamayan na maging mahinahon at maging mapanuri sa mga panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Benigno S. Aquino III kaugnay ng pagkamatay ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF)sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25.

“Nauunawaan ko ang damdamin ng mamamayan ngunit ang mas kailangan ngayon ay mabatid natin ang katotohanan kaugnay ng pangyayari sa Mamasapano upang maipataw natin ang wastong katarungan sa mga dapat managot sa pagkamatay ng ating mga pulis,” ayon sa senador na tubong Mindanao.

Idiniin ni Pimentel, pangulo ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na hindi tamang solusyon ang pagbibitiw ng Pangulo lalo pa at nahaharap ngayon ang bansa sa krisis.

“Kung magbibitiw ang Pangulo, ito ay malinaw na counter-productive dahil magiging mabuway ang gobyerno sa panahong kailangan natin ang isang lider. Kailangan natin ngayon ang Pangulo upang pamunuan tayo sa madidilim na araw na ito,” ani Pimentel.

National

Bagyong Carina lumakas pa, isa nang ganap na tropical storm

“Ginagawa ng gobyerno ang pinakamabuti upang mabatid ang katotohanan. Bigyan natin ng pagkakataon ang pamahalaan para maiwasto ang anumang pagkakamali,” dagdag ng senador.

Nanawagan din si Pimentel na suportahan ang panukalang batas, na kabilang siya sa mga may akda, para magtatag ng “Truth Commission” at maimbestigahan ang tunay na nangyari sa Mamasapano.