HELLO THERE! ● Hindi na ako nagtaka nang mabasa ko sa mga balita na naugusan na ng Pilipinas ang India sa larangan ng call center industry na dating may hawak ng korona bilang Call Center Capital of the World. Gayong namamayagpag pa rin ang India sa larangan ng information technology outsourcing, ang laksa-laksang Pinoy graduate naman ang may tangan ng halos iba pang uri ng trabaho na kilala ngayon bilang business process outsourcing (BPO). Ayon sa pagtaya ng mga dalubhasa, ang industriya ng BPO ay kikita ng mahigit $25 milyon sa susunod na taon, na kumakatawan sa halos 10% ng ekonomiya ng Pilipinas na nasa ganoon ding halaga ng remittance ng iba pang manggagawang Pilipino sa buong mundo bilang nurse, mamalakaya, musikero, mang-aawit, pintor, tubero, domestic helper at marami pang iba.

Hindi nga dapat pagtakhan ang pagkakaluklok ng Pilipinas bilang world capital sa industriya ng call center; kasi naman, ang huhusay umingles ng ating mga kababayan. At ang uri ng English na kanilang binibigkas ay yaong may bahid ng pagka-Amerikano kaysa English na binibigkas ng mga Hindu. Isa pa, tigib sa mabuting asal ang mga Pinoy. Hindi sumisigaw sa customer, magalang pa rin kahit ubod ng kulit ang kanilang kausap sa telephone o sa kanilang videophone. Ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pangunahing source ng Amerika para sa voice-related work sa business outsourcing. Kaya sa mga Inglisero’t Inglisera nating mga call center agent, keep up the good work!

***

COMING SOON ● Sa susunod na linggo, iaanunsiyo ng Malacañang ang kung sino ang iluluklok sa puwestong iniwan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima. Ito ay matapos ipahayag na pagpupulungan na nina Pangulong Aquino at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa susunod na linggo kung sino ang papalit kay Purisma bunsod ng pagbitiw nito sa puwesto. Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala pang listahan ng mga pangalan ang Palasyo na maaaring pagpilian bilang susunod na PNP Chief ngunit may mga umuugong na ang Chief Directorial Staff chief, Deputy General Marcelo P. Garbo Jr., ang malamang na ipuwesto. Si Deputy Director General Leonardo Espina na officer-in-charge ng PNP ay magreretiro naman ngayong taon. Umaasa tayo na kung sino man ang mapili ng Pangulo, taglayin nawa niya ang dalisay na paglilingkod at walang bahid ng katiwalian. Gabayan nawa ang Pangulo ng Diyos.

Eleksyon

Ilang araw matapos ipatupad election period, gun ban violators, pumalo na sa 85 katao