Dismayado ang mga senador sa naging pahayag ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan LM Purisima hinggil sa naging papel nito sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 police commando ang napatay.

Sa idinaos na pagdinig ng Senado sa insidente, todo-tanggi si Purisima nang tanungin ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III na nakialam siya sa operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” na pinagmulan ng sagupaan ng puwersa ng pamahalaan at tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

“Ano ang nasa utak mo?” tanong ni Guingona kay Purisima. Ikinatwiran ni Purisima na ang ginawa niya ay advise lamang sa sinibak na PNP-SAF chief na si Director Getulio Napeñas.

Ang pahayag ni Purisima ay batay na rin sa testimonya n Napeñas, na matapos ang pulong nila ni Pangulong Aquino para sa mission update, sinabihan siya ni Purisima na “huwag mo munang sabihan ‘yung dalawa (Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at PNP Officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina). Saka na pag nandun na. Ako na ang bahala kay General (Gregorio) Catapang.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, iginiit ni Napeñas na naging matagumpay ang operasyon ng inilunsad ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao sa kabila ng pagkamatay ng 44 commando.

“Mission Accomplished . Only that it happened with a high price,” ayon kay Napeñas.

Sa naturang operasyon napatay si Marwan, isang Malaysian bomb expert na may patong sa ulo na $5 milyon.

Sinabi pa nito na mahigit 250 miyembro ng MILF, BIFF at iba pang armadong grupo ang namatay batay na rin sa testimonya ng mga survivor ng engkuwentro.

Aniya, ito ay batay na rin sa testimonya nina Supt. Raymond Train at PO2 Christopher Lalan na pawang nakaligtas sa madugong sagupaan.