KINGSTON (Reuters) – Ipagdiriwang ng Jamaicans ang ika-70 anibersaryo ng kapanganakan ng yumaong reggae legend na si Bob Marley noong Biyernes, Pebrero 6, na may nakatakdang mga jamming session sa kanyang dating tahanan at isang libreng concert habang magkakasiyahan sa Caribbean island malapit sa kanyang lugar sa libingan ng mga bayani.

Ipinanganak si Marley sa Nine Miles, northwest Jamaica, at namatay noong Mayo 11, 1981, sa isang ospital sa Florida dahil sa cancer sa edad na 36.

Itinakda ang isang “mini-jam session” sa dating bahay ni Marley sa Hope Road, hilagang bahagi ng Kingston, pati na rin ang ilang talakayan tungkol sa reggae, isang popular na uri ng musika na nagsimula sa Jamaica noong 1960s na may matibay na impluwensiya mula sa calypso at jazz at mga liriko ng protesta sa lipunan.

Isang libreng concert sa Kingston waterfront sa Sabado ang inaasahang hahatak ng mga tao, at ilang lokal na reggae artists, kasama ang isa sa mga anak na lalaki ni Marley na si Ky-Mani, ang magpe-perform. Inihayag na ng pulisya ang bagong ruta at mga isinarang daan dahil sa rami ng taong inaasahang dadalo.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“I was not around when Bob was alive… but people are still excited about his music,” sabi ni Marcia Facey, 32, isang fashion designer na nakatira sa Kingston.

Usaping pinagdedebatehan sa Jamaica sa loob ng mahabang panahon ang pagdaragdag kay Marley sa Order of National Hero, ang pinakamataas na parangal sa bansa. Ang kasalukuyang pitong bayani ng Jamaica ay mga personalidad na nagmula sa pulitika.

Wala pang bagong bayani na naidaragdag simula noong 1980 at isang komite na ang nag-aaral sa mga nominasyon sa loob ng tatlong taon, kasama si Marley at noon ay Prime Minister na si Michael Manley sa listahan ng sampung nominado.

“It is high time that the government makes him our eighth national hero,” ayon kay Errol Campbell, 57, mekaniko sa Kingston.

“Bob was a reggae genius who has done more for Jamaica than most others by popularizing our music,” dagdag pa ni Campbell.

Ilang miyembro ng komite ang umano’y sumasalungat kay Marley dahil gumamit ito ng marijuana at minsa’y hindi inirespeto ang awtoridad bilang bahagi ng kanyang paniniwalang Rastafarian na nagtatakwil sa materyalismo.

Isang bagong live album na pinamagatang “Easy Skanking in Boston’78” ang ilalabas sa susunod na linggo, ayon sa The Bob Marley Group of Companies, na magtatampok sa dalawang live show ni Bob Marley sa isang music hall sa Boston noong June 1978.

Ipagdiriwang ng pamilya Marley ang kaarawan sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang “feel good social video movement” na may titulong#Share1Love bilang pagbabalik-tanaw sa pananaw ni Marley sa isang mas mabuting mundo.

Ang taunang “One Love” charity soccer match ay lalaruin upang parangalan si Marley sa Pebrero 18 kasama ang mga sikat na personalidad kabilang ang Olympic sprinters na sina Usaiin Bolt at Asafa Powell.