Mabigat sa kalooban ni Pangulong Noynoy na bitawan si PNP Chief Alan Purisima. Ibinunyag niya ang samahan nilang dalawa nang magsalita siyang muli sa telebisyon ukol sa nangyari sa Mamasapano. Kung paniniwalaan mo siya eh sanggang-dikit talaga sila. Kaya sa kabila ng mga anomalyang kinasasangkutan ng heneral ay ipinagtanggol pa niya ito. Sa kabila ng mga mariing batikos na inabot niya sa pagpapagawa ng kanyang bagong opisina na tinaguriang “White House”, pag-ari ng mga mamahaling sasakyan at ekta-ektaryang lupain, walang nasabi ang Pangulo laban sa kanya. Hanggang masuspinde na ang heneral ng Ombudsman at naging maingay na nga ang panawagan sa kanya na mag-resign.
Wala naman tayong alam na siya ay nagsumite ng kanyang resignation sa Pangulo. Ang alam natin ay hinihintay niya na matapos ang kanyang anim na buwang suspension para makabalik sa puwesto kaya OIC lang ang itinalaga ng Pangulo na kapalit niya. Maugong nga ang balita na kaya siya ang lumalabas na namuno ng Mamasapano operation ay dahil kung naging matagumpay ito na walang namatay SAF commando ay madali ang pagbalik niya sa puwesto.
Ang problema, nagbuwis ang operasyon ng maraming bahay. Kahit sabihin pang napatay ng mga SAF Commando ang kanilang target na si Marwan, napakahirap tanggapin ang 44 na namatay at marami pang sugatan bilang katumbas nito. Marami kasing lumitaw na mali sa operasyon. Pero, naganap ito para wakasan na ng Pangulo ang opisyal niyang relasyon kay Purisima. At para wakasan na rin ang pinsalang dulot nito sa bayan. Walang masama, katunayan nga kapuri-puri, ang tumanaw ka ng utang na loob na siyang inamin ng Pangulo na ginagawa niya sa heneral dahil sa tapat na paglilingkod nito sa kanya at sa kanyang inang si Pangulong Cory. Pero ito ay may hangganan. Hindi bale sana kung ikaw ang ginagawan ng hindi maganda dahil kaya mo pang mapagpasensyahan ang kanyang pagkukulang. Pero, ang bayan ang pinipinsala eh ikaw ang lider at ama nito. Hindi tuwid na daan ang bayaran mo ang iyong utang na loob sa isang tao na hindi kinikilala ang iyong responsibilidad sa bayan. Na wala siyang pakialam kung masagasaan niya ang kapakanan ng iyong nasasakapan maisakatuparan lang niya ang pansarili niyang pagnanasa. Ang utang na loob mo sa kanya ay personal lang sa iyo at walang kaugnayan ito sa taumbayan.