MAY malaking pagbabago sa nagbabalik na Kapamilya Deal or No Deal na nag-pilot na kahapon.
As usual, mapapanood pa rin na nakikipagtawaran at nakikipagkulitan si Luis Manzano sa studio contestant at kay Banker pero bagong grupo na ang hahawak ng briefcases na naglalaman ng halagang maaaring magbago ng kapalaran ng players -- ang Lucky Stars.
Ang Lucky Stars ay binubuo ng Kapamilya stars na siyang may hawak ng attache case. Once na sila ang mapili, sila ang makikipagtawaran sa jackpot prize worth P1-M.
Kakaiba ang kinang ng jackpot na P1 milyon dahil 20 na kilalang personalidad ang mismong rarampa sa ‘Deal’ stage. Mayroong teen heartthrob, beauty queen, character actor, comedian, sexy actress, at marami pang iba.
Ngunit hindi lang tagahawak ng briefcases ang gagampanan ng Lucky Stars dahil sila rin ang maglalaro para sa kapalaran nila. Gamit ang isang roleta, pipiliin kung sino sa 20 Lucky Stars ang maglalaro. Maaari nilang ilaban ang laman ng briefcase na hawak o maaari silang makipagpalit sa kapwa Lucky Star nila. Matapos ito, simula na ng tawaran at pagsagot sa mahiwagang tanong na, “Deal or No Deal?”
Ito ang pinakaunang pagkakataon sa lahat ng ‘Deal’ franchise sa iba’t ibang parte ng mundo na ang briefcase girls ay papalitan ng mga personalidad na magsisilbi rin bilang studio players.
Huwag palalampasin ang mas nakakatuwa, mas nakakaaliw at mas makapigil-hiningang bagong Kapamilya Deal or No Deal gabi-gabi bago mag-TV Patrol, Lunes hanggang Biyernes. Maaari rin itong mapanood sa pamamagitan ng official online service ng TFC, ang TFC.tv pagkatapos ng Philippine airing nito o sa pamamagitan ng video-on-demand o VOD (Internet Protocol television o IPTV) service ng TFC na available sa Australia, New Zealand, at Japan.