DASMARIÑAS, Cavite – Natagpuan noong Linggo ng hapon ang nagkalat na misteryosong basyo ng mga ligaw na bala sa apat na bahay at isang supermarket sa Barangay Salawag sa lungsod na ito, ayon sa pulisya.

Isang malaking palaisipan para sa pulisya at sa mga residente ang mistulang “pag-ulan ng bala” dahil walang makapagsabi kung sino ang nagpaputok sa mga ito.

Masuwerte namang walang nasaktan sa insidente.

Ito ang unang beses na natagpuan ng mga residente sa lungsod ang napakaraming basyo ng bala sa loob lang ng isang oras sa iisang barangay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ni Senior Insp. Fermel de la Cruz, ng Dasmariñas City Police, na may limang bala, na pinaniniwalaang mula sa isang .45 caliber pistol, ang dinala sa Crime Laboratory para sa ballistic at cross-matching examination.

Hindi pa mabatid kung ang mga natagpuang bala ay nagmula sa hindi lang iisang baril dahil wala pang resulta ang imbestigasyon, ayon kay De la Cruz.

Ayon kay De la Cruz, batay sa mga report nina PO3s Elmo Caboboy, Fernando Angeles at Rolando Paul Figueroa, ang mga basyo ng bala ay natagpuan sa Save More Supermarket sa Molino-Paliparan Road at sa bahay nina Jeanette G. Gabine, sa Diamond Village; Myrna N. de la Cruz, ng Dasma IV Subdivision; isang Ronald D. R. Corpuz, sa kaparehong subdibisyon; at Antonio A. Mijares sa Upehco Subdivision.

Sunud-sunod na natagpuan ng mga residente ang mga basyo ng bala sa pagitan ng 2:00 ng hapon hanggang 3:00 ng hapon.

Isinuko naman ni Jovy A. Porton, security guard OIC ng Save More, ang isang basyo na natagpuan sa sahig ng supermarket.

Iniulat din ni Gabine na nadiskubre niya ang isang basyo sa kanyang kama matapos siyang makarinig ng kalabog sa kisame. Ang iba pang basyo ng bala ay natagpuan sa sala ng mga bahay nina De la Cruz at Corpuz.

Ang mga ligaw na bala ay unang iniulat sa Police Community Precinct III-Salawag bago ipinarating sa himpilan ng pulisya sa Dasmariñas.

Pinaigting na ng pulisya ang pagpapatrulya sa lugar at mahigpit na nagbabantay laban sa mga nagsasagawa ng indiscriminate firing.