Pagaganahin ng 10 koponan na sasabak sa 2015 Philippine Super Liga All-Filipino Conference ang kanilang mga imahinasyon at antisipasyon sa nalalapit na PSL Draft na bubuo sa kanilang komposisyon upang paghandaan ang torneo sa Marso 8.

Napag-alaman kay PSL at SportsCore President Ramon “Tatz” Suzara na magbabalik ang anim na regular na koponan habang apat ang naidagdag sa prestihiyosong komperensiya ng liga na tanging mga lokal na manlalaro lamang ang magsasagupa.

“All the regular teams have to submit their list of 10 players that is protected, meaning hindi puwedeng makuha ng ibang teams. All other players na hindi kasama sa kanilang list, even those in reserved ay pupuwedeng mapili at makuha ng ibang teams,” sabi ni Suzara.

Ang anim na regular na koponan ay kinabibilangan ng Grand Prix champion Petron Blaze Spikers, runner-up Generika, RC Cola–Philippine Air Force, Cignal HD, Foton at Mane ‘N Tail na makikilala na bilang Pocari Sweat.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang apat na baguhang koponan na masasaksihan ngayong taon ay ang Puregold habang nag-iisip pa ng kanilang pangalan ang isang koponan na mula sa higanteng korporasyon na San Miguel at dalawa naman na mula sa MVP Group of Companies.

Ipinaliwanag ni Suzara na maraming pagbabago ang magaganap sa inaasahang magiging hitik sa aksiyon ang ikatlong taon ng natatanging Philippine Super Liga bunga sa malalaking proyekto na isasagawa sa bansa.

Una na dito ang unang torneo sa beach volleyball na gaganapin matapos ang All-Filipino Conference at bago magbukas ang Grand Prix.

“On-going ang training camp for those that wanted to join the league. Everybody is welcome even those provinces. All the teams will have a chance to see them play and then they will be put in the draft where all the teams have the chance to pick,” giit pa ni Suzara.

Aarangkada ang 2nd rookie draft ng torneo sa Pebrero 28.

“We will have an expansion of three to four new teams in the women’s division. Gusto natin ilimit sa 8 pero marami ang nag-aaply kaya we might have 10 teams. Hindi muna tayo magsasagawa ng men’s team dahil medyo nagko-conflict na sa scheduling,” dagdag ni Suzara.

Nakausap ni Suzara ang isang malaking kompanya na nais suportahan ang gaganaping beach volleyball na tatampukan ng pinakamagagaling na manlalaro sa bansa.

Inilinya din ng liga ngayong taon ang “video challenge” para ma-review ang mga desisyon ng referee, ang beach volleyball sa off season, at ang isang linggong Champion’s League na tampok ang kampeon sa UAAP, NCAA, Shakey’s V-League, at PSL.

Sisimulan ang 2015 season sa pamamagitan ng rookie camp sa Pebrero 24-25 bago ang aktuwal na drafting sa Pebrero 28.

Unang pipili ang Mane ‘N Tail (Pocari Sweat) mula sa inaasahang 25 hanggang 26 na sasaling manlalaro.