LAGI nang sinasabi na paulit-ulit ni Pangulong Noynoy Aquino na ang kanyang “boss” ay ang taumbayan. Ngayon, Mr. President, ang sigaw ng iyong boss: “Sibakin na si PNP Chief Alan Purisima.” Naririnig kaya ito ni PNoy o magbibingi-bingihan na naman kapag ang natutumbok ay mga kaalyado at kabilang sa ekslusibong KKK group? Habang sinusulat ko ito, may mga ulat na tinanggap na ng Pangulo ang resignation ng kanyang paboritong pulis, pero may mga ulat din na hindi pa sigurado ang pagbibitiw ni Purisima. Ano ba ito?
Kung totoong patay na si Malaysian bomb expert Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, may mga nagmumungkahi na ipagkaloob na lang ang pabuyang $5 milyon sa mga pamilya ng 44 PNP Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng buhay sa Mamasapano, Maguindanao at sa 12 sugatan pa. Malaking tulong ito sa mga kaanak ng mga namatay na kabataang SAF member na pawang mula sa mahihirap na pamilya. Tiyak na matutulungan din ito sa pag-aaral ng mga anak, suporta sa naiwang mga ginang, at sa matatandang magulang na umaasa sa kakapurit na sahod ng mga biktima. Huwag sanang idaan sa “hokus-pokus” ang pabuyang $5 milyon at mapunta sa bulsa ng mga suwapang!
May mga balitang nagsigawan daw sina PNoy at DILG Sec. Mar Roxas sa loob ng Palasyo nang hilingin ni Sec. Mar sa Pangulo na tanggalin sina Exec. Sec. Paquito Ochoa at Purisima. May hinalang si Ochoa ang nagpondo sa SAF operations sa Mamasapano samantalang ang nagpapatakbo sa operasyon ay ang suspendidong si Purisima sa pamamagitan ng remote control sa kanyang White House sa Camp Crame. Blangko sina Mar at PNP Dep. Director Espina sa operasyon.
Itinanggi ito ng Malacañang sa pamamagitan ni Press Secretary Herminio Coloma. Wala raw sigawang naganap kina Roxas at PNoy. Si Roxas kasi ang higit na nakadarama ng pait at sakit ng kalooban ng mga kaanak ng mga namatay na SAF commando dahil pumupunta siya sa mga lalawigan para makiramay at makipaglibing. Dama ni Roxas ang pighati ng mawalan ng mahal sa buhay.