Nag-aalangan ang gobyerno ng Pilipinas na hilingin sa Amerika na ipagkaloob ang multi-milyong dolyar na pabuyang inialok kapalit ng impormasyon sa ikaaaresto ng Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, sa pamilya ng tinaguriang “Fallen 44”.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na walang kapangyarihan ang gobyerno na makialam o magmungkahi sa kung paano ipagkakaloob ng Amerika ang pabuya sa pagpaslang kay Marwan.

Napatay si Marwan sa pagsalakay ng Philippine National Police-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25. Ang Malaysian bomb expert ay nasa listahan ng Amerika ng most wanted terrorist sa mundo at may $5 million na patong sa ulo.

Gayunman, nauwi sa trahedya ang nasabing operasyon nang mapatay ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang 44 na miyembro ng SAF.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“May patakaran po ang pagbibigay niyang reward money, at yaman din lamang at ito ay galing po doon sa gobyerno ng Estados Unidos, sila po ang nagtatakda ng mga patakaran hinggil diyan,” sinabi ni Coloma nang makapanayam sa DZRB.

“Kaya wala po sa ating saklaw ‘yung usapin kung paano gaganapin dahil sila naman po ang mayroong hurisdiksyon sa bagay na ‘yan,” dagdag niya.

Matatandaang ilang grupo ang mariing nagmungkahi na ipamahagi sa mga naulila ng 44 na nasawi sa SAF ang pabuya sa pagkakapatay kay Marwan. Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na makatutulong ang reward money para kahit paano ay makapagpatuloy sa buhay ang mga pamilya ng mga nasawing pulis, na karamihan ay breadwinner.

Gayunman, nilinaw ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na tanging mga sibilyang informant ang maaaring tumanggap ng anumang pabuyang iniaalok ng gobyerno ng Amerika.

Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Benigno S. Aquino ang puwersa ng gobyerno na tugisin ang isa pang high-profile terror suspect na nakatakas sa engkuwentro sa Maguindanao. Nag-alok ang gobyerno ng Amerika ng $1 million pabuya para sa ikadarakip ni Basit Usman, ang Pilipinong protegé ni Marwan.

Mariing nagbabala si Pangulong Aquino sa mga kumukupkop kay Usman, at hiniling din sa MILF na isuko si Usman kung sakaling magawi ito sa kanilang teritoryo.