Bagamat mas kilala para sa kanyang marubdob na pagsuporta sa basketball, hindi ito naging hadlang upang magbigay din ng tulong ang negosyante at sportsman na si Manny V. Pangilinan sa iba pang disiplina sa pamamagitan ng isang foundation na nagsisilbi bilang tagagiya para sa pagsulong ng world class Filipino athletes.
Sa likod nito, ang MVP Sports Foundation Inc. ay itinaguyod may apat na taon na ang nakararaan na layong makatulong sa grassroots development at maging elite programs ng walong national sports associations.
Bukod sa basketball, ang iba pang isports na tinutulungan ng foundation ay ang boxing, taekwondo, badminton, football, cycling, tennis, at running.
“Here’s a perfect opportunity, a perfect vehicle to further help Philippine sports, while at the same time, encourage everyone to live like a winner by leading a more active and healthier lifestyle,” ani Pangilinan nang pormal na ilunsad ang foundation noong 2011.
At unti-unting naani ang magagandang resulta.
Nagtapos bilang runner-up ang Gilas Pilipinas sa 2013 Fiba-Asia Men’s Championship at nakakuha ng tiket para sa Fiba World Cup sa unang pagkakataon matapos ang halos apat na dekada, ang Philippine Azkals ngayon ay ang pinakamagaling na football team sa rehiyon ng Southeast Asia, at naibigay ng cycling ang unang ginto sa Asian Games sa pamamagitan ng BMX rider na si Daniel Caluag.
“Nawa’y mas marami pa ang makamit kahit pa,” ayon kay Pangilinan na chairman ng foundation. “There will be challenges up ahead.”
Bilang pagkilala sa kabuluhang naibigay nito para sa Philippine sports sa maikling panahon, pinili ng Philippine Sportswriters Association (PSA) na igawad sa MVP Sports Foundation Inc. ang unang Sports Patron of the Year honor sa pagdaraos nito ng Annual Awards Nights na handog ng MILO at San Miguel Corp. isang linggo mula ngayon sa 1Esplanade sa Mall of Asia Complex.
Si Caluag, ang natatanging nag-uwi ng ginto para sa bansa sa Incheon Asiad, ay nasa ituktok ng honor list para sa event sa Pebrero 16 kung saan ay principal sponsors ang Smart, MVP Sports Foundation at Meralco habang major sponsor naman ang Philippine Sports Commission, at tatanggapin ang prestihiyosong Athlete of the Year award.
Bukod dito, ang MVP Sports Foundation Inc. ay kabilang sa iba pang personalidad at entity na kikilalanin sa pagtitipon na suportado rin ng PAGCOR, ICTSI, Rain or Shine, PCSO, PBA, Maynilad, Accel, National University, El Jose Catering, Air21, at Globalport.
Ang National University ay gagawaran ng President’s award, ang 1973 Philippine men’s basketball team ang tatanggap ng Lifetime Achievement Award, Excellence in Basketball naman si coach Tim Cone, Hall of Fame ang Mitsubishi, kikilalanin si Alyssa Valdez bilang Ms. Volleyball, si Jean Pierre Sabido bilang Mr. Taekwondo, at sina Princess Superal at Tony Lascuna bilang Golfers of the Year.
Pararangalan din ng pinakama-tandang organisasyon ng media sa bansa na nagdiriwang ng ika-66 taon ang major awardees na sina Donnie Nietes, San Mig Coffee team, Gabriel Luis Moreno, Michael Christian Martinez, San Beda Red Lions, June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, Mark Galedo, Daniella Uy, Mikee Charlene Suede, Jessie Aligaga, Jean Claude Saclag, Philippine dragon boat team, Philippine poomsae team (male under 30), Philippine poomsae team (freestyle), Kid Molave, at jockey Jonathan Hernandez.