Hindi kinagat ni 1-BAP Party-list Rep. Silvestre “Bebot” Bello III ang panawagan ng Makabayan bloc sa Kamara na magbitiw sa puwesto si Pangulong Benigno S. Aquino III kasunod ng madugong Mamasapano police operation.
“Inirerespeto ko ang kanilang posisyon. Subalit hindi ko sila maaaring samahan sa kanilang panawagan,” sinabi ni Bello tungkol sa hakbang ng pitong miyembro ng makabayan na patalsikin si PNoy.
Isinisi ng makakaliwang grupo sa Kamara ang administrasyong Aquino sa palpak na operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” sa Mamasapano, Maguindanao, na ikinamatay ng 44 sa SAF.
“Kasi out of my sentimentality. Kasi six years ako kay Cory. Parang napaka-ungrateful ko naman,” pahayag ni Bello.
Inilarawan ng mambabatas ang dating Pangulo, na kanyang pinagsilbihan bilang justice secretary, bilang “pinakamabait na pangulo na kanyang nakatrabaho.”
“Hindi siya marunong mag-utos nagtatanong lang siya ng opinyon ko,” sinabi ni Bello tungkol kay Ginang Aquino.
Pumanaw si Tita Cory noong Agosto 1, 2009 dahil sa colon cancer. Matapos ang isang taon, kumandidato at nanalong pangulo ang anak niyang si Benigno Simeon Aquino III.
Itinuturing naman ni Bello si PNoy bilang “impulsive” noong kabataan nito.
“Kasi pabigla-bigla ‘yan, eh. Kasi nung nakilala ko siya bata pa siya, eh. I think he was 19 or 20. Pero alam mo ibang-iba ugali niya noon kaysa ngayon,” giit ni Bello.