Malaki ang posibilidad na maging regular na kasapi ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na responsable sa pamamaslang sa 44 na kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Ayon kay Senator Ferdinand Marcos Jr., ito ang malaking posibilidad dahil ayon sa probisyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL), magkakaroon ng sariling puwersa ng pulisya ang MILF kapag naitatag na ang Bangsamoro Republic.

Sinabi ni Marcos na kailangan talagang lumabas ang katotohanan sa mga imbestigasyon para malaman nila kung may mga pagbabago pa sa BBL.

Bagamat kabilang sa PNP ang Bangsamoro Police, magkakaroon ng pagkakataong maging pulis ang mga miyembro ng MILF na nakipagbakbakan sa SAF sa Mamasapano, Maguindanao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa transitional phase ng BBL, binigyan ng kapangyarihan ang hepe ng Bangsamoro Transitional Authority (BTA) na mamili ng mga miyembro ng Bangsamoro Police at maging ng hepe nito.

Kasalukuyang hepe ng BTA si Mohagher Iqbal, ang civil-military chief ng MILF.

“Sinisiguro kong kukunin ni Iqbal ang mga kasamahan niya sa MILF upang tumayong mga pulis sa mga territoryong sakop ng Bangsamoro Republic,” ayon kay Marcos.

Sa unang araw ng pagputok ng balita tungkol sa engkuwentro, nagpahayag si Iqbal na walang kasalanan ang mga tropa niya sa pagkakapatay sa mga operatiba ng SAF.

“Sa transitional phase, magkakaroon ng dalawang hepe ng pulisya, si Iqbal bilang hepe ng BTA at ang hepe ng PNP. Dahil mayroong PNP sa Bangsamoro territories, sakop ni Iqbal ang lugar, hindi ng chief PNP.

“Kukuha sila ng orders at instructions mula kay Iqbal at hindi sa chief PNP,” ayon pa kay Marcos.

Sa hanay naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), itatatag ang isang Bangsamoro Command at batay sa Article 11, Section 15 ng BBL, hindi kailangang manumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas ang mga miyembro nito.

Lilimitahan naman ang galaw at deployment ng AFP sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro, ayon sa Articles 16, Sections 5 at 11 ng Section 17 ng BBL.

Kung hindi umano kaklaruhin ang mga problema sa probisyon ng BBL, lalo na sa usapin ng chain of command, malaking posibilidad na maulit ang madugong labanan sa pagitan ng gobyerno at ng puwersang Bangsamoro.

“Kaya nga para na akong sirang plaka na paulit-ulit kong sinasabing ilahad na ng MILF at gobyerno ang totoong nangyari sa Mamasapano. Parusahan ang mga nagkasala. Kilalanin ang mga kakulangan ng BBL para sa gayun, maging instrumento ito ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan,” dagdag ni Marcos.