ANG Mandaluyong City, ang pangalawang pinakamaliit na lungsod sa Pilipinas, kasunod ng San Juan City, ay gumugunita ng dalawang okasyon sa kasaysayan nito ngayong Pebrero 9 – ang cityhood noong 1994 at ang Liberation Day noong 1945.

Iprinoklama ang Mandaluyong bilang highly urbanized city ng Metro Manila noong Pebrero 9, 1994, bilang pagtalima sa Republic Act 7675. Sa naunang 45 taon, nakamit nito ang kalayaan mula sa Japanese Imperial Army noong Pebrero 9, 1945. Ito ay isang special non-working holiday sa naturang lungsod. Si City Mayor Benjamin C. Abalos Jr. ay inaasahang magtatalumpati sa kanyang taunang State of the City Address.

Ang mga residente ng lungsod, mga kawani, mag-aaral, mga manggagawa na nakabase sa Mandaluyong, at mga negosyante ay makikilahok sa iba’t ibang aktibidad na kinabibilangan ng beauty pageant, job fair, medical mission, paggawad ng parangal sa mga natatanging mamamayan at mga top taxpayer, isang magarbong parada ng sibiko at militar, pagtatanghal ng banda, dancesports competition, fun run, inter-highschool quiz bee, oratorical at declamation contests, at isang fluvial parade.

Kilala bilang “Tiger City” dahil sa kahanga-hanga nitong progreso sa larangan ng negosyo at ekonomiya, ang Mandaluyong ay tahanan ng isang central business district, malalaking shopping mall, entertainment centers, commercial at industrial areas, mga paaralan, call centers, matatayog na gusali, mayayamang village, condominium at mga hotel. Ito ay may 27 barangay, kabilang ang mataong Addition Hills, Barangka Drive, Wack-Wack Greenhills, Hulo, Plainview, at Pleasant Hills. Ang San Felipe Neri Church na nasa Boni Avenue ay isa sa pinakamatatandang simbahan sa metropolis.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Tumanggap ang Mandaluyong City ng Presidential Award for Most Child-Friendly City sa kategorya ng Highly Urbanized City, ang Kabalikat Award para sa Local Government Unit sa National Capital Region sa larangan ng manpower program, ang Green Banner Award para sa Nutrition Program nito, at ang Galing Pook Award para sa pinakamaiinam na pamamaraan sa lokal na pamamahala.

Ang kasaysayan ng Mandaluyong ay nagsimula sa Majapahit Empire noong 1300. Ito ay isa sa mga baryo ng Sta. Ana de Sapa, na inihiwalay noong 1841 at pinangalanang San Felipe Neri. Pinag-isa ito sa munisipalidad ng San Juan del Monte noong panahon ng Amerikano at naging sentro ng lokal na pamamahala noong 1904. Muling pinangalanan ang San Felipe Neri bilang Mandaluyong noong Marso 27, 1907.

Ayon sa isang alamat, ang pangalang “Mandaluyong” ay nagmula sa isang puno sa isang lugar na tinatawag na “luyong” na kilala ngayon bilang “anahaw” na ginagawang magagandang tungkod at muwebles. May isa pang alamat ang nagsasabi na pinangalanan ng mga Kastila ang lugar mula sa ulat ng isang maglalayag na nagngangalang Acapulco, na nakakita ng magagarang buról na hinahambalos ng malalakas na daluyong. Sinulat ng mananalaysay na Franciscano na si Felix Dela Huerta na ang pagkakasalansan ng mga lupain ay nasa wangis ng malalaking alon ng dagat. Nang magtanong ang mga banyaga kung ano ang pangalan ng lugar, sinagot ng mga katutubo ng “madaluyong” na kalaunang sinulat bilang ‘Mandaluyong”.