CAMP BANCASI, Butuan City – Kinumpirma kahapon ng mga field commander ng puwersa ng gobyerno na tagumpay ang kampanya nito sa Mindanao laban sa New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Dahil sa tuluy-tuloy na peace at development programs na ipinatutupad, mas maraming lalawigan, gaya ng Misamis Oriental, Dinagat Islands at Camiguin, ang idineklara nang insurgency-free habang ang Agusan del Norte ay iprinoklama na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang investments province.

Kasabay nito, inihayag ng 4th Infantry (Diamond) Division ng Northeastern at Northern Mindanao AFP ang pagkakadakip kamakailan kay Reboy Gandinao, commanding officer ng SPP4/SDG ng Front 6 ng CPP-NPA North-Central Mindanao Regional Committee.

Sinabi ni Maj. Christian C. Uy, tagapagsalita ng 4th ID, na dinakip si Gandinao ng pinagsanib na puwersa ng 403rd Infantry Brigade at Valencia City Police Office (VCPO) sa bisa ng warrant of arrest sa may Barangay Lumintao sa Quezon, Bukidnon.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nakumpiska mula kay Gandinao ang isang .45 caliber pistol na may kargadong magazine at isang cell phone.

Nasa kostudiya na ng VCPO ang suspek.

Noong nakaraang linggo ay nadakip din ang isang mag-asawang rebelde na kapwa may mataas na katungkulan sa kilusan sa Davao del Sur.

Nitong nakaraang linggo rin ay nakasagupa ng mga tauhan ng 13th Regional Public Safety Battalion (13th RPSB) at 402nd Brigade ang hindi matukoy na dami ng armadong NPA fighters sa bulubunduking bahagi ng Barangay Rojales sa Carmen, Agusan del Norte.

Nagawa ng awtoridad na maitaboy ang mga rebelde at nasamsam mula sa pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong M16 A1, tatlong AK 47, isang US Carbine Caliber 30, isang M203 grenade launcher, dalawang paltik, dalawang .45 caliber pistol, ilang rifle grenade ng 40mm; marami at iba’t ibang bala at magazine ng mga rifle, mga improvised explosive device, iba’t ibang blasting cap, 50-metrong electric wire na itim, rifle cleaning kit, dalawang bolo, mga lagari, dalawang homemade rifle, limang handheld radio, walong bandolier, 12 cell phone na may mga SIM card, ilang backpack, mga subersibong dokumento, iba’t ibang gamot at drug paraphernalia.

Ngayong taon ay nabawi na ng AFP at PNP ang may 22 baril, sumuko ang may 12 kasapi ng NPA at 15 kampo ng kilusan ang nakubkob sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.