Umabot sa kabuuang 4,965 student-athletes sa mga kolehiyo sa bansa ang magtutunggali sa ika-27 taon ng Schools, Colleges and Universities Athletics Associations (SCUAA) National Olympics sa Cagayan State University (CSU).

Katulong ang Tuguegarao City at provincial government ng Cagayan, nagsimula ang event kahapon na magtatapos sa Pebrero 15 kung saan ay isang makulay na seremonya, tampok ang parada ng mga delegasyon na dinaluhan ng opisyales ng kolehiyo sa 12 rehiyon, ang ginanap na siyang nagbukas sa isang linggong torneo. 

“We are so honored to welcome the best collegiate student-athletes in our province as we try to show to you our aim of becoming the country’s sports capital with the hosting of the SCUAA National Olympics 2015,” pahayag ni Cagayan Governor Alvaro T. Antonio.

Ang mga delegasyon ay binubuo ng ARMM (233), Western Mindanao (301), Ilocos Region (450), NCR (500), Davao Region (111), Western Visayas (569), Central Luzon (510), Southern Tagalog (450), Cordillera Administrative Region (370), Central Visayas (450), Caraga (260) at host Cagayan Valley (411).

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kabuuang 16 sports at dalawang demonstration sports naman ang paglalabanan sa torneo na inorganisa ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) at isasagawa sa unang pagkakataon sa ‘Smiling Land of Beauty’ na Cagayan Valley province.  

Ang demo sports ay ang archery at futsal habang ang regular sports ay kinabibilangan ng athletics, arnis, badminton, baseball, basketball, beach volleyball, boxing, chess, dance sports, football, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo at volleyball.

Nakasama ni Governor Antonio sa seremonya sina Tuguegarao Mayor Engelbert Caronan at host CSU president Dr. Romeo R. Quilang na personal na tinanggap ang mga kalahok at bisita sa kompetisyon para sa top student-athletes ng bansa na mula sa nangungunang state colleges at universities.

Pinangunahan nina Gov. Antonio, Mayor Caronan at Dr.Quilang ang ‘lighting  of  the Friendship Flames’ kasama ang mga chairman ng iba’t ibang miyembro ng PASUC kung saan ang torneo ay may temang: “One Vision, One Roadmap and One Response through Sports.”   

Kabuuang 40 medalya naman ang agad na paglalabanan sa athletics, swimming at dance sports na nagsimula sa ganap na alas-3:00 ng hapon kahapon sa People’s Gymnasium.

Ipinarating ni House Committee on Higher Education Chairman at Pasig Congressman Roman Romulo ang mensahe ng guest of honor na si Vice President Jejomar Binay habang si PASUC president Dr. Ricardo E. Rotoras ang siyang nagbigay ng pormal na deklarasyon sa pagsisimula ng torneo.