Nagpapasaklolo sa Korte Suprema si Puerto Princesa City, Palawan Mayor Lucilo Bayron upang mapigilan ang pag-usad ng recall petition laban sa kanya na idineklarang “sufficient” ng Commission on Elections (Comelec).
Sa 34-pahinang petisyon, hiniling ni Bayron sa kataas-taasang hukuman na magpalabas ng temporary restraining order na pipigil sa pagpapatupad ng Comelec Resolution 9864 na nagdedeklarang sapat ang recall petition, pati na ang isa pang resolusyon na may petsang Disyembre 29, 2014 na nagbasura sa kanyang motion for reconsideration.
Ayon kay Bayron, may naging grave abuse of discretion ang Comelec nang ideklara nito na hindi premature ang paghahain ng recall petition laban sa kanya.
Taliwas umano ang desisyon ng Comelec sa itinatakda ng Section 74 ng Local Government Code na nagsasabing ang recall petition ay dapat na ihain isang taon matapos makapanungkulan sa puwesto ang halal na opisyal.
Ayon pa kay Bayron, nabigo rin ang Comelec na magsagawa ng independent assessment sa recall petition nang basta na lang nito aprubahan ang buong rekomendasyon ng isang election officer ng Puerto Princesa at Office of the Deputy Executive Director for Operations.