Hinablot ni Team Philippines track cyclist Jan Paul Morales ang medalyang pilak noong Huwebes ng hapon sa ginaganap na 35th Asian Cycling Championships (ACC) at 22nd Asian Junior Cycling Championships na nagsimula noong Pebrero 4 at magtatapos sa 14 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Si Morales, ang 3rd Fil-Am Criterium awardee, ay napasama sa tatlo-kataong Philippines Track Cycling Team na ang hangad ay masungkit ang mga medalya at maging ang importanteng mga puntos para sa nakatayang silya sa gaganaping 2016 Rio de Janeiro Olympic Games.
Agad nakakubra ng Olympic qualifying points si Morales bunga sa pagwawagi ng medalyang pilak sa paboritong men’s elite scratch event habang nasiguro rin nito ang isang silya para sa paglahok ng pambansang koponan sa nalalapit na 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.
Napantayan ni Morales ang huling nagwagi ng pilak sa internasyonal na torneo na ACC sa road race na si Arnel Quirimit at sa track scratch race na si Paulo Manapul sa men’s division.
Ang 29-anyos na mula sa Marikina ay pumangalawa kay Benham Khalilli-Khos-Roshani ng Iran sa 15 kilometrong karera na nilahukan ng matitinding 12 riders.
Maliban sa kanyang unang hakbang tungo sa Rio de Janeiro Olympic, pinutol din ni Morales ang 14 na taong pagkauhaw ng bansa sa medalya sa torneo o noong 2001 ACC sa Kaohsiung, Taiwan.
Si Morales, na naging multi-stage winner sa Ronda Pilipinas, ay umatake sa huling tatlong lap matapos na bantayan ng kanyang mga kalaban, partikular ang tinanghal na Incheon Asian Games medalist na si King Leuk Chong.
Sinandigan ng miyembro ng Philippine Navy Standard Insurance ang kanyang kahusayan bilang 1-kilometer time trialist kontra sa malamig na panahon sa Thailand upang biguin sa huling hiritan ang mga kalaban na mula sa Korea, Taiwan at Iran.
Nakatakda pang sumagupa si Morales, na kasama sa koponan sina Alfie Catalan at Arnel de Jesus, sa isa pang event na points race noong Biyernes ng gabi.