Pinatawad na ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kanyang dating tauhan na si dating Senior Superintendent Cezar Mancao II, na nagsangkot sa kanya sa pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nito na si Emmanuel Corbito noong 2000.

“Alam mo... mapagpatawad tayo. Mga humingi sa akin ng tawad pinatawad ko na lahat,” ani Estrada, sa panayam sa radyo.

Sinabi pa ng dating pangulo na hindi niya kailanman maaaring ipag-utos na ipapatay si Dacer dahil kumpare niya ito.

“Nagpapasalamat ako at naliwanagan ang isip niya at nagsasabi siya ng pawang katotohanan,” ani Erap. “Alam n’yo, si Bubby Dacer ay parang magkapatid po kami niyan. Inaanak ko iyung anak niya sa binyag. Hanggang ikinasal, ako pa rin ang ninong. Proud [ako] sa pagkakaibigan namin niyan. Imposibleng mangyari sa akin na ako makasali d’yan,” pahayag ni Estrada.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayuhan naman nito si Mancao na harapin nito ang paratang laban sa kanya.

Paliwanag ni Erap, kung walang kasalanan si Mancao ay tiyak na malilinis niya ang kanyang pangalan.

Ang mensahe ni Erap ay kasunod nang pagpapahayag si Mancao nang kagustuhan sumuko mula sa dalawang taong pagtatago sa kamay ng batas matapos na tumakas mula sa National Bureau of Investigation (NBI) noong 2013, isang araw bago siya ilipat sa Manila City Jail, dahil umano sa mga banta sa kanyang buhay.

Bukod kay Erap, isinangkot din ni Mancao sina dating Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) chief Panfilo “Ping” Lacson at dating Senior Supt. Michael Ray Aquino sa brutal na pagpapatay kina Dacer at Corbito.