Kapanalig, kung pagbabatayan natin ang huling datos ng pamahalaan, tila dumarami ang Pilipinong may trabaho. Ngunit para sa mga kabataang Pilipino, tila hindi maganda ang ipinapakita ng datos. Dumami rin ang underemployed. Partikular sa mga sektor na may malaking bilang ng mga bagong trabaho ay ang industry employment kung saan ay 294,000 ang nabuo rito. Magandang balita ito dahil sa matagal na panahon ay panawagan na natin sa ating pamahalaan ang maglaan ng atensiyon sa sektor ng industriya sa bansa.

Kabilang din sa sektor na nagtala ng malaking bilang ng bagong trabaho ay ang services sector kung saan 675,000 bagong trabaho ang nalikha rito. Samantala, walang gaanong malaking pagtaas sa antas ng trabaho sa agrikultura kung saan ay 77,000 mga bagong trabaho lamang ang nalikha. Dito natin makikita ang unti-unting pagpasok ng mga industrya sa Pilipinas kung kayat unti-unti ring nababawasan ang mga kababayan nating nasa sektor pa rin ng agrikultura.

 

Ngunit may nakababahala rin sa pinakahuling report na ito ng pamahalaan. Ayon sa datos ng nabanggit na ahensiya, lumalabas na 2.5 milyon pa ring Pilipino ang walang trabaho as of October 2014. At ang mas nakakabahala pa, sa kabuuang bilang na ito, ang mga kabataang Pilipinong may edad 15-24 ang siyang nangunguna sa mga unemployed o 49.4% o may kabuuang bilang na 1.2 milyong kabataang Pilipino na walang trabaho. At ang higit na talagang nakakabahala ay 35.2% naman o halos isang milyon ang college graduate at undergraduate sa Pilipinas na wala pa ring trabaho. 

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nakalulungkot ngang isipin na matapos gumastos ng malaki sa kanilang edukasyon ay hindi pa rin sigurado na magkakaroon ng isang disenteng trabaho ang mga bagong graduate. Kaya minsan, halos wala na ring pinagkaiba ang kapalaran ng isang nakapagtapos at ng hindi nakatungtong sa kolehiyo. Ang trabaho ay isang pundamental na karapatan at isang kabutihan sa sangkatauhan. Nakalulungkot na karamihan sa mga walang trabaho ay mga kabataan na sa kanilang edad ay nagsisimula na ring itaguyod ang kanilang kinabukasan.