Posibleng magpatupad ng dagdag-presyo ng produktong petrolyo ng mga oil company sa bansa anumang araw ngayong linggo.
Sa taya, posibleng tumaas ng P2.40 hanggang P2.60 ang presyo ng kada litro ng gasolina habang P1.50 hanggang P1.75 naman sa diesel dahil sa umento ng contact price ng langis sa Dubai.
Sakaling ipatupad ng mga kumpanya, maituturing na ito na ang pinakamalaking dagdag-presyo sa petrolyo ngayong 2015.
Samantala, pinuna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang labis na pagtuon ng publiko sa naganap na madugonng bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao at ang paghuhugas-kamay sa umano’y pananagutan sa insidente ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Aquino kaya hindi na nabantayan ang napipintong big-time oil price hike ngayong linggo na magdudulot ng matinding epekto, partikular sa mga bilihin at serbisyo.
Plano rin umano ng gobyernong Aquino na itaas ang excise tax sa mga produktong petrolyo na lalong malulugmok sa kahirapan hindi lamang sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan ngunit maging sa mamamayan.
Inihayag kahapon ni PISTON president George San Mateo, aprubado na ng NEDA Board ang pagsasapribado ng Motor Vehicle Inspection System (MVIS), isang serbisyo publiko ng gobyerno sa ilalim ng Land Transportation Office (LTO) na gagawin lang umanong multi-bilyong malaking pribadong negosyo.
Aniya tataas ang bayarin ng MVIS mula sa P1,200 to P1,500 depende sa klase ng pampublikong sasakyang iinspeksyunin sa rehistro o renewal ng rehistro nito kada taon ito na patatakbuhin ng pribadong korporasyon na tutulan at labanan.