MALAPIT nang masilayan sa mga sinehan ang kagandahan ng Asya sa pamamagitan ng mga pelikulang likha mula sa iba’t ibang parte ng kontinente. Sa kolaborasyon ng dalawang higanteng tagasulong ng entertainment sa bansa, magagawa nang libutin ng mga Pinoy ang iba’t ibang bansa sa Asya.

Pinangunahan ng presidente ng SM Lifestyle Entertainment, Inc. na si Edgar C. Tejero at ng chairman/CEO ng Viva Communications na si Vic del Rosario ang paglulunsad ng SineAsia nang lagdaan nila ang kontrata para sa nasabing proyekto.

Layunin ng SineAsia na lalong itaas ang kalidad ng mga pelikulang Asyano habang ipinalalabas ito sa mga sinehan sa bansa.

Hindi maikakaila ang malaking tagumpay ng mga pelikula mula sa South Korea, Japan, Taiwan, at China na lumikha ng ingay at pumatok sa mga manonood. Bagamat namamayagpag ang Filipino at Hollywood films sa Pilipinas taun-taon, unti-unti nang nagkakaroon ng puwang ang mga pelikulang Asyano sa puso ng mga Pinoy.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sa katunayan, ang mga pelikulang itatampok sa SineAsia ay humahabol o nakahigit pa sa Hollywood films pagdating sa takilya. Ngayong Marso, eksklusibong ihahandog ng SM Lifestyle Entertainment Inc. at Viva Entertainment Inc. ang mga nangunguna at pinakabagong pelikulang Asyano sa piling SM at Walter Mart cinemas.

Ang mas nakakatuwa, ang SineAsia theater ang unang sinehan sa ‘Pinas na magpapalabas ng mga pelikulang Asyano na nakasalin sa wikang Filipino para mas lalong maintindihan ang mga ito ng Pinoy moviegoers.

Kasama sa mga pelikulang ito ang pinagbibidahan ni Korean superstar na si Lee Min Ho na Gangnam Blues, na gumamit sa popular na awiting Anak ni Ka Freddie Aguilar dahil sumikat din ito noon sa South Korea.

Kumita ang Gangnam Blues ng $7.6 million sa unang linggo pa lang nito at tiyak na lalaki pa ito dahil sa pagpapalabas nito sa 13 pang bansa sa Asya kabilang na ang ‘Pinas.

Tampok din sa SineAsia theaters ang mga pelikulang Once Upon a Time in Shanghai, SPL 2, Vegas To Macau, My Love, Mourning Grave, My Bride at Rise of the Legend na nagpasikat sa mga batikang aktor na sina Chow Yun Fat, Tony Jaa, Kim So-Eun, at Nicholas Tse.

Hindi lang ordinaryong panonood ng sine ang mararanasan ng viewers dahil bibihisan ang SineAsia theaters base sa oriental na tema ng pelikula. Ang ilan sa mga piling sinehan na magpapalabas ng mga pelikulang Asyano ay matatagpuan sa SM Megamall, SM Manila, SM Sta. Mesa, SM Fairview, SM North Edsa, SM Iloilo, SM Bacoor, at SM Cebu.

Sama-sama nating lakbayin ngayong Marso ang Asya habang pinapanood ang mga pelikula mula sa Viva International Pictures na nilikha ng malalaking film outfits sa iba’t ibang bansa tulad ng Showbox, CJ Entertainment, 9ers Entertainment, TOEI Company LTD, Showgate, Megavision Pictures, EDKO Films Ltd., Wada, Lote, Sahamongkol, TOHO, Star Alliance, at Kadokawa Pictures TBS.

Para sa mga hindi na makapaghintay, maaaring mapanood ang ibang pelikulang Asyano na isinalin sa wikang Filipino sa ‘pay-channel’ na Tagalized Movie Channel (TMC) na inilunsad ng Viva noong Oktubre ng nakaraang taon.