Kanino mapupunta ang $5 million pabuya na inalok ng US government para sa ulo ng napatay na international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”?

Kung si Basilan Bishop Martin Jumoad dapat mapunta ang cash reward sa pamila ng 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa operasyong inilunsad ng gobyerno laban kay Marwan at kakutsaba nitong si Basit Usman.

“Dahil napatay ang 44 SAF dahil kay Marwan, nararapat lang na ang pamilya nila ang makatanggap ng pabuya,” pahayag ni Jumoad sa text message.

Bukod kay Jumoad, pabor din si Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action, na ibigay ang malaking halaga sa pamilya ng mga napatay na commando.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Hinikayat din niya ang mga mag-iimbestiga sa insidente na talakayin ang isyu kung kanino mapupunta ang reward.

“Sino’ng makikinabang sa reward money? Dapat din silang imbestigahan dahil posibleng sa intensiyon ng ilang tayo na makinabang, ilang buhay ang naisakripisyo sa operasyon,” ayon kay Gariguez sa panayam.

Ayon naman kay Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., wala pang personalidad na umaangkin ng pabuya na manggagaling sa gobyerno ng Amerika.

Bukod kay Marwan, nag-alok din ng $1 milyon ang US government sa pagkadarakip ni Usman, na tinutugis na ngayon ng mga tropa ng pamahalaan matapos makatakas sa operasyong inilunsad sa Mamasapano.