INDIANAPOLIS (AP)- Nagsalansan si C.J. Miles ng 26 puntos, habang isinagawa ni George Hill ang mahalagang four-point play upang tapusin ng Indiana Pacers ang 12-game winning streak ng Cleveland Cavaliers, 103-99 kahapon.
Napag-iwanan sa 1 puntos sa nalalabing 1:26 sa laro, humirit si Hill ng off-balance, one-handed 3s kung saan ay nakakuha pa ito ng foul. Naisakatuparan nito ang libreng basket sa free throw upang maibigay sa Indiana ang 3 puntos na kalamangan.
Tumapos si Hill na mayroong 20 puntos, habang nagposte rin si David West ng 20 puntos at 13 rebounds.
Umungos ang Cleveland (31-21) sa mahigit na 13 puntos, ngunit biglang nanlamig upang mapanatili ng Indiana ang magandang distansiya. Isinara ng Pacers (19-32) ang huling 4 na minuto sa third quarter patungo sa 14-2 run na nagdala sa kanila sa 3 puntos na kalamangan.
Ang 3-pointer ni Miles sa natitirang 5 minuto ang nagkaloob sa Pacers sa kanilang unang lead sa nasabing laro.
Nagsalitan ang kanilang kalamangan ng pitong beses sa loob ng 4 minuto hanggang sa palayong umarangkada ang Indiana ilang segundo na lamang ang nalalabi sa laro. Nagtala si J.R. Smith ng dalawang 3-pointers sa huling 12 segundo kung saan ay tumapos siya na mayroong 17 puntos.
Naikasa ni Kyrie Irving ang isa sa kanyang pinakamagandang performances sa season ngunit ‘di pa rin ito naging sapat. Umiskor siya ng 29 puntos at 5 assists. Naglista si LeBron James ng 25 puntos, 5 assists at 6 rebounds sa kanyang unang laban sa Indianapolis simula sa nakaraang taong season’s Eastern Conference finals kasama ang Miami.
Napagwagian ng Pacers ang dalawang sunod, kapwa galing kontra sa conference opponents.