Umabot na sa 12 miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay habang 13 sundalo ang sugatan sa bakbakan sa mga tauhan ng Joint Task Group Sulu sa Patikul, Sulu noong Biyernes ng tanghali.
Sinabi sa report ng Western Mindanao Command (WesMincom), naganap ang engkuwentro sa Sitio Kan Islam, Barangay Buhanginan, Patikul, Sulu dakong 12:00 ng tanghali.
Ayon kay Capt. Maria Rowena Muyuela, tagapagsalita ng WestMinCom, nakasagupa ng 35th Infantry Infantry Battalion ang may 100 bandido.
Nagpapatrolya ang puwersa ng militar sa Barangay Buhanginan nang makasagupa nila ng mga tauhan ni Radullan Sahiron, isa sa mga kilabot na lider ng Abu Sayyaf.
Sa nasabing sagupaan, 13 sundalo ang nasugatan matapos ang may isang oras na labanan.
Isinugod sa Camp General Teodolfo Bautista Hospital ang mga sugatang sundalo, habang patuloy ang pagsasagawa ng militar ang clearing operation.