Vilma Santos

BINIGYANG-PUGAY nitong nakaraang Huwebes ng ABS-CBN Film Archives, sa pakikipagtulungan sa University of the Philippines Film Institute (UPFI), ang Star for All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa pamamagitan ng “Vilma x 3”, isang espesyal na screening ng ilan sa kanyang pinakatumatak na  pelikula na ni-restore in high definition format.

Sa unang pagkakataon, napanood ng publiko ang digitally restored at remastered na mga kopya ng Anak directed by Rory Quintos, Kapag Langit ang Humatol directed by Laurice Guillen at Bata, Bata, Paano ka Ginawa ni Chito Roño. Mabusising inayos, pinalinaw at pinaganda ng ABS-CBN Film Archives at Central Digita Labs ang naturang mga pelikula.

Dumating ang ilang ABS-CBN executives at director na kinabibilangan nina Ms. Malou Santos, Chit Guerrero, Olive Lamasan, Rory Quintos, Laurice Guillen at Chito Roño sa UP Film Center para  panoorin ang Bata, Bata.... Dumating din sina Cherrie Pie Picache at Albert Martinez, na kasama sa cast nito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

In full force din na dumating sa event ang Vilmanians at press people.

Sa totoo lang, aakalain mong bago ang kopya ng restored  films. Kung hindi nga lang naroroon sina Carlo Aquino at Serena Dalrymple na mga totoy at nene pa ang itsura sa movie, aakalain mong bagong pelikula ang Bata... Bata.... Salamat sa modernong teknolohiya.

Sabi sa speech ni Leo Katigbak, ang ABS-CBN Film Archives head, anim nang classic film ni Ate Vi ang na-restore nila at baka nga lumobo pa ito sa maraming kopya dahil sa magandang pagtanggap ng publiko.

Sa talumpati naman ni Ate Vi, aniyang pabiro, “Anim pa lang? Bakit hindi 15?” At idinagdag na, “Modesty aside, marami tayong classic films na nagawa na kailangan munang i-restore dahil sa kalumaan.”

“Gusto naming i-restore ang mga natatanging pelikula ni Vilma  mula sa iba’t ibang direktor,” kuwento pa ni Mr. Katigbak.

All in all, nakapag-restore na ang ABS-CBN Film Archives ng 72 pelikula since 2011 at ang ilan sa mga ito ay pinalad na maipalabas sa international filmfest at sa katunayan ay may red-carpet pang premiere na naganap at naiere sa  free-to-air/cable television. Napapanood din ang mga ito sa pay-per-view at video-on-demand, nabibili sa DVD at  nada-download din sa iTunes.

Sa tanong  kay Ate Vi kung ano pa ang nagawa niyang pelikula na gusto niyang panoorin, ang excited niyang sagot, “T-Bird at Ako.”

Ito ang unang pagsasama nila ni Nora Aunor sa pelikula, dalawang dekada na ang nakakaraan.