Agad sumaklolo si Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico sa kanyang mga pinuno at technical officials na nagbantang hindi na mamamahala sa Palarong Pambansa matapos na hindi bayaran ang kanilang serbisyo sa aktibidad na isinagawa ng Department of Education (DepEd).

Sinabi ni Juico na agad niyang susulatan ang pinuno ng DepEd upang malinawan at resolbahan ang hindi pagbabayad ng ahensiya ng gobyerno sa mga kinuha nilang mga opisyal ng track and field para pamahalaan ang 6th ASEAN Schools Games noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.   

“I know madali namang maaayos ang problema kapag nakausap na natin ang DepEd. Susulatan ko sila the soonest time possible para hindi na umabot pa sa pagboboykot ng ating mga opisyal. Kawawa naman ang mga bata na imbes maturuan natin ng de-kalidad na officiating eh mabalik sa dati,” sabi ni Juico.

Napilitang magreklamo ang kabuuang 60 opisyal at technical officials ng PATAFA matapos na mabaon na sa limot ang kabayaran ng kanilang serbisyo, kasama ang iba pang sports, sa pamamahala sa internasyonal na event noong nakaraang taon na nnasa gabay ng DepEd.  

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

 “Sinabi na babayaran ng P7,000 kada isa para mag-officiate sa ASEAN Schools Games pero hanggang ngayon ay hindi pa kami nababayaran,” pahayag ni Dominador Laboriante, nagsilbi bilang technical official at recorder sa mga larong long jump, triple jump at high jump.

Apat na empleyado rin ng Philippine Sports Commission (PSC) na nagsilbi bilang electronic timer operator at recorder ang hindi rin nabayaran sa kanilang serbisyo.

Ayon kay Laboriante, pinapirma sila ng DepEd sa isang payroll pagkatapos mismo ng internasyonal na torneo na tampok ang mga kabataang estudyante na mula sa rehiyon ng Southeast Asia subalit hanggang sa ngayon o apat na buwan na ang nakalilipas ay walang nakakamit na kabayaran sa kagawaran ng edukasyon.  

Kasama ni Laboriante na hindi nabayaran ang mga opisyal ng PATAFA na si Secretary General Renato Unso na siyang tournament manager, Bienvenido Contapay, assistant tournament manager; Claro Pellosis, technical consultant; Romeo Sotto, field referee, Jesus Tubog, track referee at Janet Obiena, chief judge.

Itinakda naman ang kabuuang P80 milyon bilang pondo sa internasyonal na torneo para sa mga student-athlete na nilahukan ng 10 bansa, kabilang ang host Pilipinas.

Hindi lamang ang mga opisyal ng athletics ang nagrereklamo kundi maging ang mga opisyal na mula sa wushu, volleyball, golf, badminton, basketball, gymnastics, swimming, table tennis, tennis, sepak takraw at pencak silat.