Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagkumpiska sa P200 milyong halaga ng ari-arian ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay sa kasong plunder na kinahaharap nito bunsod ng pork barrel scam.

Sa 8-pahinang desisyon, pinaboran ng Sandiganbayan First Division ang petition for Writ of Preliminary Attachment/Garnishment na inihain ng prosekusyon laban sa mambabatas.

“The prosecution’s motion is impressed with merit,” nakasaad sa resolusyon na may petsang Enero 5 na isinulat ni Chairman Efren De la Cruz at kinatigan nina Associate Justice Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos.

Iginiit ng prosekusyon ang kahalagahan ng Writ dahil sa posibilidad na maaaring itago, sirain o alisin ni Revilla ang kanyang mga ari-arian habang nililitis ang kaso. Ito ay bunsod din ng ginawang pag-amin ni Revilla sa publiko na isinara na niya ang kanyang mga bank account nang sumabog sa media ang kontrobersiya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala ring bilang “pork barrel fund”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Thus, the said accused may be said to have concealed, removed, or disposed of his property, or is about to do so,” giit ng anti-graft court.

“An attachment is defined as a provisional remedy by which the property of an adverse party is taken into legal custody, either at the commencement of an action or at any time thereafter, as security for the satisfaction of any judgment that may be recovered by the plaintiff or any proper party,” paliwanag pa ng korte.

Base sa Rule 127 of the Rules of Court, ipinaliwanag ng First Division na maaaring hilingin ang garnishment dahil “it is beyond dispute that the instant case, a charge for Plunder, is a criminal action based on a claim for money or property embezzled or fraudulently misapplied or converted to the use of the accused who is a public officer...in the course of his employment as such.”

Sa ilalim ng Republic Act 7080 of Plunder Act, kukumpiskahin ng korte para sa gobyerno ang ano mang ilegal na yaman, kabilang ang mga ari-arian at shares of stocks, na idiniposito o pinamuhunan ng isang nahaharap sa plunder.

Dahil dito, ipinag-utos na ng korte sa lahat ng sheriff, pulisya at iba pang ahensiya ng gobyerno na kumpiskahin ang mga ari-arian ni Revilla na nagkakahalaga ng P224,512,500.

Kabilang sa mga kukumpiskahin ang mga deposito at investment ng senador, kabilang ang 42 account sa Asia United Bank, Asiatrust Development Bank, Land Bank of the Philippines, Metrobank, Philippine National Bank, CTBC at RCBC kung saan lumilitaw ang pangalan ni Revilla at pamilya nito.

Pinakukumpiska rin ng korte ang iba pang ari-arian ni Revilla: isa sa Rizal, apat sa Tagaytay City, tatlo sa Muntinlupa City at 20 sa Cavite.

Saklaw din ng garnishment order ang 15 sasakyan na kinabibilangan ng Toyota Innova, Mitsubishi Montero, Toyotab Hi-Ace Grandia, Nissan Frontier Navarra, Toyota Corolla, Mitsubishi Adventure, Cadillac Escalaade, Toyota Jeep, Mitsubishi L300, Fuso Jitney, BMW 730Li, Hyundai Starex, Lexus LX570 wagon, at isang Isuzu NHR.