Walang dudang naiukit ng National University (NU) ang hindi malilimutang istorya ng 2014 sa local sports.

Matapos ang 60 taong paghihintay, sa wakas ay muling nahirang ang Bulldogs bilang kampeon matapos masungkit ang UAAP men’s basketball title sa Season 77 sa kanilang pagdispatsa sa Far Eastern University (FEU).

Sa nakaraang anim na dekada, ininda ng paaralan ang ilang taong pangungutya bilang mga doormat sa ligang minsan nilang pinagharian noong 1954 nang kanilang mapanalunan ang kanilang unang varsity championship.

Ngunit sa likod ng kanilang build-up na nag-umpisa nang ang institusyon ay maging pag-aari ng SM Group of Companies, ang Bulldogs, sa paggiya ni coach Eric Altamirano, ay unti-unting umangat at naging kampeon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinikilala ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang nagawang ito ng Bulldogs, at sila ay pararangalan sa pamamagitan ng pagbibigay ng President’s Award sa buong koponan ng NU sa Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Beer sa Pebrero 16 sa 1Esplanade sa Mall of Asia Complex.

Ang ibang mga personalidad na nakatanggap na ng President’s Award sa gala dinner kung saan principal sponsors ang Meralco, Smart, at MVP Sports Foundation habang major sponsor naman ang Philippine Sports Commission (PSC), ay ang Ateneo Blue Eagles, ang Philippine women’s bowling trio, dating world champions na sina Rubilen Amit, Dennis Orcollo, at Lee Van Corteza, taekwondo jin Mikaela Calamba, at iba pa.

Makakahati ng Bulldogs sa entablado ang BMX rider na si Daniel Caluag, ang gold medal feat sa Incheon Asian Games na nagbigay sa kanya ng pagkilala bilang 2014 Athlete of the Year sa award ceremony na suportado ng Globalport, Air21, National University, Accel, Maynilad, PBA, PCSO, Rain or Shine, ICTSI, PAGCOR, at El Jose Catering.

Sa kanilang pagkapanalo, ginawa ito ng Bulldogs sa isang magandang istilo.

Napanalunan nila ang lahat ng kanilang do-or-die games, kabilang ang championship-clinching match laban sa Tamaraws, 75-59, noong Oktubre 15 sa harap ng record crowd nga 25, 118 sa Smart Araneta Coliseum.

Pararangalan din ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa ang major awardees na sina Donnie Nietes, San Mig Coffee team, Gabriel Luis Moreno, Michael Christian Martinez, San Beda Red Lions, June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, Mark Galedo, Daniella Uy, Mikee Charlene Suede, Jessie Aligaga, Jean Claude Saclag, Philippine dragon boat team, Philippine poomsae team (male under 30), Philippine poomsae team (freestyle), Kid Molave, at jockey Jonathan Hernandez.

Kabilang din sa PSA honor roll list ang 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award), Tim Cone (Excellence in Basketball), Mitsubishi (Hall of Fame), Alyssa Valdez (Ms Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo), at Pirncess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).