MAMASAPANO, Maguindanao – Sinisikap ng mga residente ng Mamasapano na magbalik sa normal ang kanilang mga buhay matapos ang engkuwentro noong Enero 25 na ikinamatay ng 44 na police commando at ilang rebelde, at sa pamamagitan nito ay nabuksan ang kaisipan ng mga opisyal sa matinding pangangailangan sa kapayapaan para sa naghihikahos na bayan.

“Mag-uumpisa na naman kami sa wala,” naluluhang himutok ni Kamsa, isang magsasaka na may apat na anak.

Sinabi ni Kamsa na napinsala ang wala pang dalawang ektarya nilang maisan at hanggang ngayon ay nawawala ang alaga nilang kalabaw matapos silang lumikas nang sumalakay ang mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa lugar para tugisin ang dalawang wanted na terorista, na nauwi sa sagupaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

PAULIT-ULIT NA PAGLIKAS

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi pa ni Kamsa na ang paglikas nila sa Barangay Tukanalipao nitong Enero 25 ang huli sa 17 paglikas ng kanyang pamilya simula noong 1997.

Mas malupit naman ang karanasan ng isa pang taga-Tukanalipao na si Sarah Langalan, 20, ina sa dalawang paslit, dahil napatay ang asawa niyang magsasaka na si Badruddin Langalan sa gitna ng sagupaan habang nagtatangka itong mag-charge ng cell phone.

“Namatay ang nag-iisang kumikita sa ‘min, naglaho na rin ang magandang kinabukasan sana ng mga anak ko,” sabi ni Sarah.

Nang tanungin tungkol sa kanilang opinyon sa panukalang magtatag ng bagong Bangsamoro autonomous region sa Mindanao sa bisa ng usapang pangkapayapaan ng MILF sa gobyerno, pawang pumabor dito ang lahat ng 37 residente ng Mamasapano na kinapanayam.

Naniniwala rin ang magsasakang si Junaid na ang kawalan ng digmaan ay walang duda na magpapabago sa Mamasapano dahil sa mataba nitong lupa at sapat na irigasyon.

SILANG NALIMUTAN

Sa pagbisita kamakailan ni Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales kasama si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman, sa Bgy. Tukanalipao at sa dalawa pang barangay na apektado ng paglalaban, sinabi ng dalawang opisyal na bagamat nakikiisa sila sa pakikiramay sa mga pamilya ng 44 na napatay sa SAF, nangangamba rin sila para sa kasasapitan ng mga naulila ng iba pang nasawi sa sagupaan—18 rebelde at apat na sibilyan.

Naniniwala sina Rosales at Hataman na sa labis na pananawagan para sa hustisya sa pagkamatay ng mga tauhan ng SAF ay nalimutan na ang kapakanan ng mga naulila ng mga nasawing sibilyan, ang libu-libong residenteng naapektuhan, at ang pagsasara ng 13 eskuwelahan na nakaapekto sa 6,034 na estudyante sa high school at elementarya.