SIYA NA NGA ● Lumabas sa mga ulat na napatay na nga ang Malaysian terrorist na si Zuklifli Bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano clash noong Enero 25. Ayon sa pagsusuri ng US Federal Bureau of Investigation, kung saan dinala ang DNA sample nito, nagpositibo ang resulta. Magkapareho ang DNA sample mula sa daliring naputol ni Marwan at yaong sa kapatid nitong si Rahmat Abdhir, ayon sa isang source ng PNP. Ang isa pang target ng operasyon, ang Pinoy na si Basit Usman ay nakatas, ayon na rin sa ulat.
Pinoy kasi eh, talagang magaling. Gayunman, pinatibay ng resulta ng DNA report ang dati nang alam ng PNP. Batid ng PNP na si Marwan ang napasang sa clash dahil sa kakaibang hugis ng kanang tenga nito. Isa si Marwan sa ilang pakay ng SAF sa pagsalakay sa bahaging iyong ng Maguindanao. Aarestuhin lang sana ang mga iyon ngunit talagang malupit kung minsan ang tadhana. Umiral ang silakbo ng dugong demonyo na nananalaytay sa mga kalaban. Kaya ngayon natupad na ang pakay ng SAF 44. Ang tanong ngayon, sino ang kukubra ng $5 milyon na alok ng Amerika? Kung may totoo ngang ibibigay iyon, sana ilagay iyon sa isang investment fund na ang kikitain lamang ang gagalawin ng mga apektadong pamilya, hindi lamang ng mga napaslang kundi pati na rin ng buong PNP at AFP na halos angat lang ng kaunti ang sweldo sa inililimos sa mga batang palaboy. Talagang sumasaludo ako sa mga tauhan nating sumagupa sa mga rebelde sapagkat hindi nasayang ang kanilang misyon.
***
SINO ANG SISISIHIN? ● Isang 17-anyos na babae ang pinaslang ng isang 42-anyos na Aussie sa Dipolog City, Zamboanga del Norte. Ayon sa mga ulat, nagkakilala ang dalawa sa isang social media. Hindi malinaw kung nagkagustuhan ang dalawa. Nagpapadala ng malaking halaga si Lalaki kay Babae upang sunduin siya sa paliwaran mula Melbourne. Nang magkita ang dalawa, tumuloy sila sa isang pension house. Pagkalipas ng dalawang araw, natagpuang patay si Babae, duguan bunga ng pagkadurog ng ulo ito. Kalaunan, umamin si Lalaki sa krimen at ngayon nahaharap sa kasong murder. Bakit nito pinatay si Babae? Kinagat daw ni Babae ang manoy ni Lalaki. Susmaryosep! Mga magulang, binantayan natin ang ating mga anak sa kanilang mga aktibidad, lalo na sa cyberspace, upang huwag nilang sapitin ang nangyari sa 17-anyos na biktima. Kabataan, magsiaral kayo nang mabuti at huwag sayangin ang perang ipinanunustos sa inyo. Maganda ang kinabukasan ng batang masipag sa pag-aaral.