Ogie Alcasid

MALAKING tagumpay sa Original Pilipino Music at sa Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit ang pagpirma ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa proklamasyon na nagdedeklara sa huling linggo ng Hulyo ng bawat taon bilang “Linggo ng Musikang Pilipino.”

Dahil sa panawagan ng samahan ng mga mang-aawit at kompositor na Pilipino, isinulong ang proklamasyon bilang pagtugon ng pamahalaan dito.

Bagamat hindi pa rin nawawala sa sirkulasyon ang mga awiting Pinoy, hindi maikakaila na mas pinipiling tangkilikin ng mga Pilipino ang mga awitin mula sa ibang bansa. Taun-taon, namamayagpag ang musika mula sa U.S., Europe, at ibang bansa sa Asya partikular ang KPop music o mga kanta na nagmula sa bansang South Korea.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Upang muling mapalakas at lalong mabigyang kulay ang mga musikang Pinoy, at mabigyang oportunidad ang local artists, inaasahang makikiisa ang mga Pilipino sa pinakaunang pagdiriwang ng “Linggo ng Musikang Pilipino” ngayong taon. Ipinagkatiwala ni PNoy sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagpapatupad ng proklamasyon sa tulong ng National Committee on Music (NCM) bilang subcommission sa Arts.

Binibigyang diin din ng proklamasyon ang Executive Order (EO) No. 255 (s. 1987) na nag-uutos sa lahat ng istasyon ng radyo na may musical format sa bansa na magpatugtog ng hindi bababa sa apat na Original Pilipino Music (OPM) songs sa loob ng isang oras.

Nauna na rito, tinatangka nang isabatas ni Ifugao Province Representative Teddy Brawner Baguilat ang pagpapaunlad, pag-aalaga, at pagpapalaganap ng estado sa industriya ng musika. Paliwanag ni Rep. Brawner, dahil na rin sa natatalo ng foreign artists ang mga lokal na talento pagdating sa concert scene kahit na sa sariling bansa, nararapat lamang na pangalagaan ang musikang Pinoy at pigilan ang pagkakamatay ng OPM.

Ang proklamasyon ni PNoy at ang panukala ni Baguilat sa Kongreso at Senado ay ginawa dahil sa mandato ng konstitusyon na ang sining at kultura ay nararapat na tangkilikin ng estado at higit pa. Dapat ding alagaan, palaganapin, at patanyagin ng estado ang kasaysayan at kultural na mga pamana ng bansa, pati na rin ang mga likhang sining.

Ito na marahil ang magiging sagot sa mga dasal ng local artists na nahihirapan sa pag-abot muling pagsigla ng musikang sariling atin at palaganapin pa sa Filipino audiences ang kamalayan at paghanga sa mga musikang likha ng mga Pilipino.