Richard Yap

“TECHNICAL, Reggs, hindi si Papa Chen ang may problema, ang producer ang may problema,” ito ang diretsong sabi sa amin ng handler ni Richard Yap na si Kate Valenzuela.

Noong Setyembre pa raw umoo sina Richard para mag-guest sa pre-Valentine show ni Ai Ai de las Alas na gaganapin sa Solaire Hotel sa Pebrero 12, pero hanggang sa huling araw ng usapan na magbibigay ng down payment ang producer ay hindi tinupad.

“They have to follow the contract, Reggs, kasi kung hindi rin lang, bakit pa nag-kontrata?” sabi pa ni Kate. “Ilang beses nangako na magbibigay na ng down payment, binukas-bukas kami, ‘yung staff ko, ilang oras nila (producer) pinaghintay, ‘tapos nu’ng dumating si Faith (Cuneta-partner ni Jacob Fernandez) wala namang dalang pera, kesyo ganito o ganyan. Bakit hindi na lang sabihing walang pera, tapos.

National

Guo, nag-sorry kay SP Chiz: 'Wala po akong intensyong diktahan ang Senado'

“Actually, ilang buwan naming hinintay ang pangako nina Jacob, si Faith ang humaharap sa amin, eh. Alam naman nina Jacob na Valentine show ito, maraming inquiries for Papa Chen, siyempre kung sino ‘yung nagbigay ng down payment, doon kami, business ito, sabihin na nilang mukhang pera, eh, ganu’n talaga.

“Hindi naman sila nakikipag-usap nang maayos, puro bukas-bukas, nakakapagod din.

“Hindi naman kami bago sa business na ito, ramdam naman namin kung may pera o wala ang producer.

“Saka ang nakakairita pa, nagpagawa sila ng poster at may billboard pa na hindi nila ‘pina-approve sa amin. Ano ba ‘yun?  

“Labas si Ai Ai sa usapan dito, hindi siya ang kausap namin, pero sana naisip din ni Ai Ai kung ano ang protocol, bakit siya pumayag sa ganu’n kaya nga may kontrata, eh.

“Alam din nina Mary Ann (Sta. Ana) ng Backroom, opisina sila kaya alam nila ang dapat, pero bakit parang lumalabas si Papa Chen pa ang sinabing inuna ang nagbigay ng downpayment?  Ganu’n naman talaga, di ba?

“Eh, bakit may pulis pa kung hindi naman susundin ang rules and regulation? Para saan pa? Nalungkot nga si Papa Chen, actually sabi nga niya, nahiya siya kay Ai Ai, magpadala raw ng bulaklak. Pero wala siyang magagawa kasi management decision ito.

“Kinausap na nga nila si Sir Deo (Edrinal, manager ni Richard), kaya tinanong ako, ikinuwento ko ang buong istorya, saka nanindigan ako kasi ako naman ang kausap nina Jacob, sa akin naman ang call.  

“Kaya Reggee, wala kaming fault do’n, kawawa nga si Ai Ai, nagco-prod na siya kasi walang pera ang producer.

“Sabihin na nilang nasira ang pangalan ni Papa Chen, okay lang, basta sinabi namin ang totoong dahilan.

“Tapos nu’ng nalaman nilang nag-backout na si Papa Chen, bigla nilang sinabi nag-deposit na raw sa bangko, okay, fine!  

“Tsinek namin every minute online, wala naman. Pinapuntahan ko na sa staff ko sa mismong bangko baka kasi nagloloko ang online, wala talaga. Nag-wait pa kami ng ilang oras baka kasi hindi pa nake-credit ‘yung dineposit kasi BDO to BDO naman, wala talaga. So ano’ng tawag doon? 

“So, kami may mali, saan may mali si Papa Chen? Pakipaliwanag nga nina Jacob at Faith?” ang mahabang kuwento ng handler ni Richard Yap sa amin.

At dahil hindi nga nakapag-down ang producer ng show kay Richard, minabuting tanggapin na lang ang isa pang show na nagbigay kaagad ng downpayment.

Sana raw ay maintindihan ito ng lahat at ng mga manonood ng show na wala sa parte ni Papa Chen ang pagkukulang.

Bukas ang pahinang ito para kina Faith Cuneta at Jacob Fernandez.